ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG pelikulang Apo Hapon: A Love Story ay umiikot sa isang Japanese vlogger na si Mozuki na ginagampanan ni Sakura Akiyoshi.
Ito ay isang Rom-Com at historical film na pinagbibidahan nina JC de Vera at Japanese actress na si Sakura.
Gustong malaman ni Mozuki ang katotohanan hinggil sa kanyang great grandfather, na isang Japanese soldier noong World War II na nagngangalang Kazuo Toro, kung siya ba ay isang traydor o bayani.
Hindi sang-ayon si Kazuo (played by ex-PBB Housemate Fumiya Sankai) sa pagmamalabis sa mga Filipino ng mga kapuwa niya sundalong Hapon, kaya isang araw ay tinulungan niya ang isang Igorot na kawal na makatakas sa kanilang garison at dito nagsimula ang pananahan niya sa mga katutubong Igorot.
Kalaunan, si Kazuo na isang engineer sa Japan bago nagkaroon ng digmaan, ay binansagang Apo Hapon dahil sa mga naiambag niya sa komunidad ng mga Igorot, lalo ang mga kaalaman sa pagsasaka.
Sa misyon na ito ni Mozuki niya makikilala ang historian na si Reyson, na ginagampanan naman ni JC.
Darayo sina Mozuki at Reyzon sa Cordillera region upang kapanayamin at idokumento sa kanyang vlog ang mga taong nakakilala kay Apo Hapon at malalaman ng dalaga na may mga kamag-anak siya sa Cordillera dahil nakapangasawa at nagkaroon ng pamilya roon ang kanyang great grandfather.
Habang ginagawa nila ito ay nagkalapit ang loob nina Mozuki at Reyzon, dito na papasok ang kanilang love story. May mga kilig moments ang dalawa at all in all, swak ang chemistry sa pelikulang Apo Hapon nina JC at Sakura.
Ang Apo Hapon ng GK Production ay mula sa screenplay ni Eric Ramos at sa pamamahala ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.
Aminado ang newbie Japanese actress na si Sakura na noong simula ng kanilang shooting ay kabado siya.
Pahayag ng dalaga, “Noong una po, sobrang kinakabahan ako. Pero noong matatapos na ang shooting, sobra-sobrang enjoy na po ako.
“Tapos, parang narinig ko po na sobrang maraming takot na tao sa kanya,” sabi ni Sakura patungkol kay Direk Joel na katabi niya sa naturang panayam.
Dagdag ni Sakura, “Sobra po siya mabait at magaling na direktor, nagulat din po ako. Kaya sobrang thankful ako na nakasama ko siya sa trabaho.”
May kissing scene sina Sakura at JC, kaya medyo nahihiya ang dalaga nang usisain siya ng press. “Parang kinabahan po ako, opo,” nakangiting sambit ng aktres.
Nabanggit din ni Sakura na mabait at supportive na leading man si JC. Plus tinuruan at inalalayan daw siya ng aktor sa kanilang mga eksena.
Paano siya nag-adjust kay Sakura, since ang Tagalog niya ay hindi pa tuwid?
Esplika ni Direk Joel, “Bahagi ng movie iyong ganoong klaseng Tagalog, iyon ang role niya na isang Japanese vlogger at hindi naman puwede na dire-diretso ang Tagalog niya. Kung medyo hindi tama ang pronunciation, hindi tama ang phrasing niya, it adds flavor to the film.”
Nakatakdang magkaroon ng premiere night ang pelikula ngayong February, samantala, mapapanood sa mga sinehan nationwide ang Apo Hapon, simula Marso 6.
Nasa casts din ng Apo Hapon sina Lianne Valentin, ang beauty queen/actress na anak ni Allen Dizon na si Nella Dizon, Jim Pebanco, Perla Bautista, Elora Españo, Marcus Madrigal, Rico Barrera, Yoshiko Hara, Prince Clemente, at iba pa.