ni MARICRIS VALDEZ
HINDI trying hard kundi bagay din palang mag-aksiyon bukod sa pagiging drama actress nitong si Nadine Lustre. Aba mabilis kumilos, magaling humawak ng baril, at magaling makipagbakbakan kaya puwedeng-puwede na siyang maging action star na isa pala sa matagal na niyang pangarap.
Si Nadine ang bida sa Viva One’s Roadkillers na streaming na worldwide simula March 1. 2023, ang unang suspense action thriller project. Tiyak na mae-excite ang lahat dahil mapapanood na ng mga kababayan natin at mga global audience sa mahigit 70 countries and territories ang exciting four-part series ng Roadkillers.
Bumagay ang seryeng ito kay Nadine na gumaganap na si Stacey Sunico, isang mapagmahal na anak na dinapuan ng malubhang sakit ang tatay na si Nato. At para mabigyang pansin ang ama sa ospital, nakagawa ito ng krimen.
Ayon kay Nadine, sobra siyang na-excite nang i-pitch ang proyektong ito sa kanya ng Viva dahil matagal na niyang gustong makagawa ng action movie. Kaya naman wala siyang sinayang na oras at agad na nag-training lalo ang paghawak ng baril.
“Matagal ko nang gustong mag-action kaya bago sumalang nag-prepare talaga ako. Nag-training ako ng firing. ‘Yung mga stunt namin nire-rehearse namin. Nakita naman ninyo ‘yung lugar na nag-shoot kami. Mabuhangin, marumi, mabato. Kaya mahirap at ang dumi-dumi ko talaga.
“And si direk Rae gusto niya ‘yung mga stunt realistic. Na at the end of the day, hindi naman super hero si Stacey, normal siyang tao,” esplika ni Nadine ukol sa kanyang role na talaga namang nabigyan niya ng justice ang role hindi lamang sa galing umarte maging sa pag-aaksiyon.
Ayon naman kay Direk Rae Red (Gawad Urian Best Director para sa Babae at Baril), matagal na niyang gustong makagawa ng proyektong iikot sa kotse, at naganap na nga ito sa Roadkillers. Siya rin ang sumulat ng script, katuwang ni Pam Miras, na nagsimula muna sa pagiging isang pelikula hanggang naging serye na may apat na episode. Tinitiyak niya na puno ito ng mga habulan at fight scenes na magbibigay ng adrenaline rush.
Kasama rin dito si Jerome Ponce na isa sa bida ng matagumpay na Safe Skies, Archer. Si Jerome si Marco, isang misteryosong karakter na tiyak magpapaganda sa ikot ng kuwento.
Si Nato ay ginagampanan ng veteran actor na si Bodjie Pascua na may-ari ng talyer. Dati siyang kanang-kamay ng mayor bago sila nagkaroon ng alitan.
Narito rin si Francis Magundayao na gumaganap bilang si Jairus, nagtatrabaho para kay Nato. Para siyang kapatid ni Stacey na nalapit rin sa panganib.
Ang Roadkillers ay produksiyon ng Studio Viva at isinalarawan ito ni Nadine bilang “very gritty and not for the faint of heart.”
Kaya ‘wag palampasin na hindi mapanood ang seryeng ito dahil pamatay ang pagganap ni Nadine sa seryeng ito.