LABINTATLONG drug peddlers at dalawang wanted persons ang inaresto ng pulisya sa Bulacan sa magkakasunod na operasyon sa lalawigan kamakalawa at hanggang kahapon ng umaga, 11 Pebrero 2024.
Batay sa ulat kay PC/olonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, nakasaad na nagsagawa ng anti-illegal drug operations ang mga operatiba ng Meycauayan CPS, San Rafael, Pulilan, Plaridel, at Balagtas MPS, na nagresulta sa pagkakaaresto sa 13 suspek na sangkot sa illegal na droga.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang 28 sachets ng hinihinalang shabu, may timbang na 5.25 gramo, tinatayang may halagang P39,100; 13 sachets ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, may timbang na 32.02 gramo, tinatayang P248,712 ang kabuuang halaga; sari-saring kagamitan, at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakompiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri, habang ang mga reklamong kriminal sa mga paglabag sa RA 9165 laban sa suspek ay inihahanda para sa pagsasampa ng kaso sa korte.
Samantala, ang serye ng manhunt operations na isinagawa ng Tracker Team ng Plaridel at Hagonoy MPS ay nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang wanted na tao sa bisa ng warrant of arrest.
Ang lahat ng naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station para sa tamang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)