BAGSAK sa loob ng rehas na bakal ang isang most wanted person matapos makorner ng pulisya sa isinagawang manhunt operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Valenzuela City police chief P/Col. Salvador Destura Jr. kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na nagtatago sa lungsod ang akusadong si alyas Mando na kabilang sa talaan ng mga MWP sa Laguna.
Alinsunod sa inilatag na agenda ng PNP Chief na “Aggressive and Honest Law Enforcement Operations”, agad nagsagawa ang WSS sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Major Jesus Mansibang katuwang ang Northern NCR Maritime Police Station ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong 12:30 ng gabi sa Que Grande St., Barangay Ugong.
Ani Major Mansibang, ang akusado ay dinakip ng kanyang mga tauhan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ave A Zurbito-Alba ng Family Court Branch 8, Calamba City Laguna noong January 31, 2024, para sa kasong Lascivious Conduct under Sec. 5(b) of R.A. 7610.
Pansamantalang ipiniit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (ROMMEL SALES)