SA DIREKTIBA ni Gobernador Daniel R. Fernando, 85 mga trak na nagbibiyahe ng mga mineral na lumagpas sa pinapayagang timbang ang hinuli sa lalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng pinagsamang pagsisikap ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan Police Provincial Office at Bulacan Environment and Natural Resources Office.
Sa pamumuno ni Provincial Director Col. Relly B. Arnedo at pinuno ng BENRO Abogado Julius Victor C. Degala, nasamsam ang 85 trak habang ibinabiyahe ng mga ito ang mga mineral na lumabis sa timbang na nakasaad sa delivery receipt (DR) mula Enero 4-31, 2024.
Umaasa naman si Fernando na ang mga paglabag na ito ay magsisilbing babala sa iba pang trucking companies at operators at hinikayat ang mga ito na sumunod sa mga regulasyon na itinakda sa lalawigan.
“Mahalaga sa akin ang maayos at ligtas na pangangalakal sa ating lalawigan. Pinapaalalahanan ko kayong lahat na sumunod sa mga patakaran at maging responsable sa inyong mga gawain. Ang mga multa ay hindi lamang pagpaparusa kundi isang paalala na kailangang tayo ay sumunod sa batas. Huwag nating hayaan na ang interes ng ilan ay magdulot ng panganib sa ating lahat,” anang gobernador.
Samantala, pinatawan ang mga lumabag ng P865,000.000.00 na multa kung saan P240,000.00 ang nabayaran na at P625,000.00 naman ang halaga ng naiwang multa. (MICKA BAUTUISTA)