NAGSAGAWA ng mas pinaigting na operasyon ang Bulacan PNP na humantong sa matagumpay na pagkakaaresto sa isang gun law offender at mga lumabag sa batas sa lalawigan, kamakalawa, Pebrero 7.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ipinatupad ng Meycauayan City PS ang isang search warrant order laban kay alyas John, isang 22-anyos na empleyado ng Lazada, sa kanyang tirahan sa Meyland Village, Meycauayan City, Bulacan.
Ang order to search ay inilabas ng Executive Judge ng Branch 1, MTC Meycauayan City, Bulacan, na naglalayong tugunan ang mga paglabag sa batas ng armas.
Nakumpiska sa paghahanap ng mga awtoridad ang isang .38 caliber revolver, tatlong bala, isang slingbag, at isang holster, na inilagak na lahat sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa ballistic examinations.
Ang mga naaangkop na reklamong kriminal laban sa suspek ay kasalukuyang inihahain sa korte para sa karagdagang aksyon.
Bukod dito, sa serye ng anti-illegal drug operations ang nagbunga ng pagkakaaresto sa labinlimang indibidwal na sangkot sa illegal drug trade.
Nakumpiska ng Angat, Obando, Hagonoy, at San Ildefonso MPS ang kabuuang labintatlong sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 14,960 at marked money.
Higit pa rito, limang indibidwal na wanted sa iba’t ibang krimen at pagkakasala ang nahuli ng tracker team mula sa San Miguel, Meycauayan, SJDM, at Guiguinto C/MPS.
Ang mga arestadong indibidwal ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng arresting unit/stations para sa tamang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)