KASALUKUYANG nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang dalawang barangay tanod matapos pagbabarilin ng mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo sa San Miguel, Bulacan kamakalawa, Miyerkules ng gabi.
Sa ulat na ipinadala kay Police Colonel Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang mga biktima ay kinilalang sina Noli Ramos y Flores, 40, naninirahan sa Sitio Balucok, at Pascual Aquino y Galicia, 62, na residente naman ng Sitio Balucok 2, parehong sa Brgy. Sta. Ines, San Miguel, Bulacan at kapuwa barangay tanod ng naturang barangay.
Ayon sa ulat mula sa San Miguel MPS , ang dalawang biktima ay pinaulanan ng bala ng dalawang hindi pa nakikilalang riding-in-tandem na naganap bandang 6:30 ng gabi sa Sitio Balucok, Brgy. Sta. Ines, San Miguel, Bulacan.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan kaya agad isinugod sa pagamutan para sa emergency medical treatment.
Napag-alaman na matapos isagawa ang krimen ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi pa malamang direksiyon na sentro ngayon dragnet operation at police manhunt.
Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng San Miguel MPS, ang mga biktima na gumaganap ng kanilang tungkulin bilang mga barangay tanod, habang sakay ng isang kolong-kolong tricycle at nasa kahabaan ng kalsada sa Sitio Balucok, Brgy. Sta.Ines ay biglaang pinaputukan ng baril kung saan nagtamo sila ng mga tama ng bala.
Ang biktimang si Noli Ramos na nagtamo ng maraming tama ng baril ay inilipat sa PJG Hospital sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, habang ang isa pang biktimang si Pascual Aquino na nagtamo naman ng isang tama ng bala sa kanang ibabang bahagi ng paa ay nilalapatan ng lunas sa Emmanuel Vera hospital.
Kasunod nito ay hiniling ng San Miguel MPS sa SOCO team na iproseso ang pinangyarihan ng krimen, habang nagsasagawa sila ng backtracking ng mga kuha ng CCTV para malaman ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek. (MICKA BAUTISTA)