TINANGGAP ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando ang dalawang refurbished na ambulansya mula sa mga delegado ng Gyeonggi Province, South Korea na pinangunahan ng Vice Chairman ng Special Committee on Social Welfare ng Gyeonggi Provincial Party ng Democratic Party of Korea Kim Wonki sa pamamagitan ng Social Welfare Foundation Go & Do sa isang turnover ceremony kahapon.
Ayon kay Fernando, makatutulong ang pagbibigay ng mga ambulansiya sa pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga Bulakenyo na magbibigay daan sa lalong pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.
“Ang pangangalaga po sa kalusugan ng mga Bulakenyo ay bahagi ng ating 10-point agenda na mahigpit na tinututukan ng ating Pamahalaang Panlalawigan. Sa pamamagitan ng donasyong ito, mas lalo po tayong lumapit sa ating pangarap ng mataas na kalidad ng kalusugan para sa lahat ng ating mamamayan,” anang gobernador.
Suportado ng Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 808-S’2023 ang deed of donation sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan at Go & Do.
Dumating din ang iba pang delegadong Koreano sa programa ng donasyon kabilang sina Shinhan University Graduate School Dean Jang Yongwoon, Park Siwook, Go & Do CEO Park Woohee, Go&Do Secretary General Yu Yongdae, at assistant Maria Unika Velarde.
Naging posible ang paglilipat ng mga sasakyang medikal sa pamamagitan ng broker na Optimum Impex Solutions. (MICKA BAUTISTA)