ITO ang paalala ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos laban sa pagkalat ng mga mananamantala o scammers ngayong Valentines Day.
Ayon kay Abalos, kailangan na maging maingat ang publiko laban sa ‘love scams’ dahil gagawin ng mga ito ang lahat upang makakuha ng pera sa sinumang indibidwal na kanilang mabobola.
Target ng mga scammers ang mga indibiduwal na nagpapakita ng kanilang ‘kalungkutan’ o status sa social media.
Kukunin ng mga ito ang kanilang tiwala hanggang sa paibigin at saka peperahan.
“Yung love scam, tinitingnan nila (scammers) through your profile kung sino yung malungkot, nag-iisa. Ano yung music na hilig mo, ano yung hilig mong kinakain. Then yung weakness mo, doon ka pinapasok. Talagang sindikato,” ani Abalos.
Dagdag ng DILG chief, dahil sa digital age, madali na lamang makapanloko na posibleng umabot sa pangha-harass at black mail gamit ang mga sensitibong larawan. (ALMAR DANGUILAN)