PUSH NA’YAN
ni Ambet Nabus
NAGULAT din kami sa balitang yumao na si Deo Endrinal, ang Head ng Dreamscape Entertainment., isa sa mga pinaka-aktibong produksiyon ng ABS-CBN.
Simula nang makasama namin si Deo in the very early 90’s habang pinalalakas pa ang ABS-CBN, sa amin siya noon madalas magtanong, magpasama at maki-chika sa mga usaping sports, lalo ang basketball.
Very vivid pa sa amin ang noo’y nerbiyos at intimidation daw niya kay basketball legend Robert Jaworski kaya’t nagpa-padrino siya sa amin para makilala niya ito.
Ito rin ‘yung mga panahong tinanggihan namin ang alok niyang isama kami noon bilang isa sa mga PR ni Kris Aquino, na that time ay maraming shows sa ABS-CBN.
Ang mga sumunod na taon at dekada na mga encounter namin ay kapag need na ng “crisis PR” para sa mga Kapamilya show at ilang mga artistang may matinding pinagdaanang eskandalo.
Laging bukas noon ang aming mga programa sa DZMM teleradyo para sa lahat ng nasasakupang proyekto ni Deo, mapa-TV man o movies o special events.
Noong pandemic ay nagkukumustahan pa kami at parehong lungkot na lungkot sa pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sometime in 2022, hayun, nagkasalubong kami sa isang coffee shop sa may Tomas Morato, hi-hello at hulaan sa mga blind items.
That was our last encounter at nito ngang February 3 ay bumulaga na lang sa socmed ang kanyang pagyao.
Sa dinami-dami ng mga artista at mga tao behind the cameras na natulungan at tinutulungan ni Deo, sigurado kaming nagluluksa ang showbiz world.
Rest in Peace Deo at nakikiramay po kami sa kanyang mga naiwan.