HINIKAYAT ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo kasama si Bise Gob. Alexis C. Castro na tahakin ang parehas na mithiin at diwa ni Gat Blas ‘Ka Blas’ F. Ople sa komemorasyon ng kanyang ika-97 Anibersaryo ng Kapanganakan na ginanap sa harap ng Gat Blas F. Ople Building: Sentro ng Kabataan, Kaalaman, at Hanapbuhay, Antonio S. Bautista, Bulacan Provincial Capitol Compound sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kamakalawa, Pebrero 3, 2024.
Aniya, “Habang tinatahak natin ang mga hamon ng ating panahon, pamarisan natin ang kanyang diwa ng kahusayan, pagkamalasakit, at pagmamahal sa ating mga kababayan. Gayundin ang kanyang dedikasyon at adbokasiya para sa karapatan ng manggagawa. Higit sa lahat, ang kanyang matibay na pangako sa kapakanan ng bawat Pilipino”.
Binigyang diin niya na ang ‘di matatawarang pagseserbisyo-publiko ni Ka Blas na isang karangalan na patuloy na niyayakap at isinasabuhay ng kanyang mga anak.
“Nais ko lamang bigyang diin na ang kahusayan ni Ka Blas sa pagseserbisyo-publiko ay karangalang naipagpatuloy ng kanyang mga anak”, dagdag pa niya.
Gayundin, sa kanyang mensahe, sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Eduardo Jose A. De Vega, kinatawan ni DFA Secretary Enrique A. Manalo bilang panauhing pandangal, na patuloy nilang isinasabuhay ang mga mabubuting gawa ni Ka Blas sa kanyang naging termino bilang kalihim ng DFA mula Hulyo 16, 2002 hanggang Disyembre 14, 2003.
“Sa ilalim ng liderato ng kasalukuyang Kalihim Enrique A. Manalo, patuloy po naming isinasapuso ang mga aral at mabuting halimbawa na ipinakita ni Gat Blas F. Ople. Sa mahigit isang taon niyang pamumuno sa DFA, malaki ang naging ambag niya bilang Punong Sugo ng Pilipinas. Una na rito ang pagpapatibay niya sa pagprotekta ng karapatan at pagtaguyod ng kapakanan ng ating mga Overseas Filipino Workers. Hanggang ngayon, nananatili pa rin itong kasama sa Tatlong Haligi ng ating Polisiyang Panlabas, kasama ng pambansang seguridad (national security) at diplomasyang pang-ekonomiya (economic diplomacy),” ani De Vega.
Dagdag pa niya, malaki ang ginampanang papel ni Ople sa naipasang batas para sa overseas absentee voting at dual citizenship.
“Tunay na maituturing siyang huwarang anak ng Bulacan na naging respetadong lider hindi lamang sa ating bansa kundi sa mundo ng diplomasya”, anang DFA undersecretary.
Samantala, isinagawa ang seremonya ng pag-aalay ng bulaklak sa harap ng monumento ni Ople na dinaluhan nina Konsehal Therese Cheryll Ople ng Lungsod ng Malolos, anak ni Ka Blas at Konsehala Dalisay Ople-San Jose ng Hagonoy, mga Bokal Romina Fermin at Casey E. Howard, at mga pinuno at empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Panlalawigang Tagapangasiwa Antonette V. Constantino.
dineklara ang Pebrero 3, 2024 na Special Working Holiday sa Lalawigan ng Bulacan. (MICKA BAUTISTA)