KALABOSO ang inabot ng isang lalaki matapos arestuhin ng pulisya nang tutukan ng baril at pagtangkaang sikwatin ang sasakyan ng katransaksiyon sa bentahan ng aso sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si Alyas Donato, ng Rosario, Cavite na arestado ng Malolos City Police Station (CPS} kasunod ng bigong tangkang pag-hijack ng isang sasakyan sa kahabaan ng Paseo Del Congreso, Brgy. San Agustin, City of Malolos, Bulacan, dakong alas-1:30 ng hapon.
Ayon sa ulat, unang napagkasunduan ng suspek na si alyas Donato at ang biktima na ibenta ang kanyang alagang asong German Shepherd.
Habang papunta sa bahay ng bumibili sakay ng tricycle ng biktima, biglang pinagbantaan ng suspek ang biktima kasunod ang pagtutok ng baril, at tinangkang agawin ang minamaneho nitong sasakyan.
Pero hindi nasiraan ng loob ang biktima at nanlaban ito hanggang sa kabila ng kanilang alitan, matagumpay na nadis-armahan nito ang suspek at mahigpit itong napigilan.
Ang insidente ay kaagad nakarating sa mga tauhan ng Malolos CPS at kanilang interbensyon, naaresto ang suspek, at ang insidente sa legal na paghahanap ay humantong sa pagkakakumpiska dito ng siyam na sachet ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na 54,000, drug paraphernalia, at isang kalibre.38 na baril na may tatlong bala
Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad kung modus na ng suspek ang magkunwaring magbebenta o mamili ng mga aso para mangarnap ng mga sasakyan. (MICKA BAUTISTA)