PATAY ang isang lolo makaraang mabundol ng rumaragasang motorsiklo habang naglalakad sa gilid ng kalsada sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Wala nang buhay ang biktimang kinilalang si Edwin Esquilla, 69 anyos, tubong Lucena, Quezon, matapos tumilapon at mabagok ang ulo sa semento sa paghagip ng motorsiklong Mio 125.
Patuloy ang isinasagawang manhunt at follow- up operation ng pulisya laban sa tumakas na suspek na hindi man lang huminto upang tulungan ang biktima.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong 5:30 am nang maganap ang insidente ilang metro ang layo sa bahay ni Esquilla sa kahabaan ng Road 10, North Bay Boulevard South (NBBS) Proper ng nasabing lungsod.
Ayon kay Navotas City police chief P/Col. Mario Cortes, tumakas ang driver ng motorsiklo patungong Maynila kahit pagewang-gewang ang takbo sanhi ng pinsala sa lakas ng pagkakabundol sa biktima.
Tanging ang side mirror at mga natanggal na body parts ng motorsiklo ang naiwan sa lugar na kinolekta ng pulisya para magamit na ebidensiya.
Sa pahayag ng testigong si John Rick Tanio, 22 anyos, kay Navotas Traffic Investigator P/SSgt. Mildan Espenilla, kitang-kita niya nang mabundol ang matandang kapitbahay habang naglalakad sa gilid ng Road 10 at habang kanyang nilalapitan, pilit na pinaandar ng suspek ang nasira niyang motorsiklo imbes tulungan ang biktima.
Iniutos ni Col. Cortes ang pagtugis sa tumakas na rider habang sinusuri ng kanyang mga tauhan ang kuha sa mga CCTV na nakakabit sa lugar para makilala ang suspek. (ROMMEL SALES)