HUMANTONG sa pagkakadakip ng isang puganteng matagal nang pinaghahanap ng batas at 13 iba pa ang walang tigil na kampanya ng pulisya ng lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Miyerkoles ng umaga, 24 Enero.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nasukol sa pursuit operation ng tracker team ng 1st PMFC kasama ang Bustos MPS ang suspek na kinilalang si Marvin Iliw-Iliw, nakatala bilang Bustos Top 3 MWP – Municipal Level sa Brgy. Malamig, sa naturang bayan.
Nag-ugat ang pag-aresto sa warrant of arrest na inilabas ng presiding judge ng Malolos RTC Branch 15 kaugnay sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.
Samantala, sa sunod-sunod na operasyong inilatag ng tracker team mula sa Obando at Sta. Maria MPS, nasakote ang ang dalawang indibiduwal sab isa ng mga warrant of arrest na inilabas ng korte.
Kasalukuyuang nakakulong ang mga suspek sa kani-kanilang mga arresting unit/station habang nakabinbin ang proseso nito.
Sa inilatag na drug buybust operation ng Meycauayan CPS sa Brgy. Lawa, nadakip ang dalawang hinihinalang mga tulak na kinilalang sina alyas Charlie ng Bagong Barrio, Caloocan City; at alyas Arman ng Brgy, Bancal, Meycauayan.
Nasamsam sa mga suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P34,516, at marked money.
Gayundin, sa serye ng anti-illegal drug operations, sunod-sunod na dimapot ang siyam na indibiduwal na pinaniniwalaang sangkot sa ipinagbabawal na kalakalan ng droga.
Nakumpiska ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) mula sa Malolos, San Jose, del Monte, Obando, Plaridel, at Sta. Maria C/MPS ang kabuuang 36 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P73,712, at bust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa mga suspek sa korte.
Ayon kay PD P/Col. Arnedo, ang walang humpay na pagtugis ng Bulacan PNP sa mga wanted na kriminal at nangangalakal ng ilegal na droga ay sumasalamin sa pangako sa mandato ni PRO3 Regional Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)