ANG sunod-sunod na operasyon ng pulisya ay humantong sa pagkaaresto sa mga indibiduwal na sangkot sa mga aktibidad na kriminal sa Bulacan hanggang kahapon ng umaga.
Ang matagumpay na operasyong ito ay nagresulta sa pag-aresto sa tatlong notoryus na tulak ng iligal na droga at apat na wanted na kriminal sa lalawigan
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, dalawang tulak sa Brgy. Panginay, Balagtas ang nasakote ng mga operatiba ng Balagtas MPS sa ikinasang drug buy-bust operation.
Nakumpiska sa operasyon ang pitong sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa Standard Drug Price {SDP} na Php 20,400 at marked money.
Gayundin, sa Paltao, Pulilan, isa ring tulak ang naaresto matapos ang isang consummated drug trade sa mga anti-drug operatives ng Pulilan MPS.
Limang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa Php 4,284 at marked money ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa kaukulang pagsusuri, habang mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa suspek ay inihanda na para sa pagsasampa ng korte.
Bukod dito, ang epektibong manhunt operations na inilatag ng tracker team ng 1st PMFC, SJDM CPS at Guiguinto MPS, ay humantong sa pag-aresto sa apat na indibidwal, na wanted para sa iba’t ibang krimen at pagkakasala.
Ang mga naarestong akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng arresting unit o istasyon para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)