HARD TALK
ni Pilar Mateo
BAGO sila naging matalik na magkaibigan dumaan din naman sa mga pagsubok na nagpatatag sa kanilang friendship sina Anjo Yllana at Janno Gibbs.
Kaya ngayon, naroon na sila sa part na parang one can’t live without the other. Lalo na pagdating sa trabaho. Kung may project ang isa, tiyak bitbit o kasama ang isa.
Kaya rito sa first directorial job ni Janno para sa Viva Films na Itutumba Ka Ng Tatay Ko na pinagbibidahan din niya at ni Xia Vigor, may mahalagang papel na ginagampanan si Anjo.
Magaganda ang karanasan ng iba pang artistang kasama sa pelikula kay Janno gaya niya Louise delos Reyes at Paulina Porizkova.
Siyang-siya si Louise dahil sa sobrang pagiging prepared ni Janno sa mga kukunan nilang eksena. Dahil bago pa raw sila dumating sa mga kasunod pang eksenang kukunan, na-envision na nito at naipaliwanag ang tutunguhin ng mga tutuhugin pa nilang mga eksena.
Nabanggit nga rin ni Janno, na kahit marami ang ‘di nag-agree na mabigyan siya ng chance to direct a movie sa Viva (siyempre ‘di naman siya magne-name drop), wala naman silang magagawa kung si Boss Vic (del Rosario) na mismo ang nagbigay ng go signal sa kanya.
Mayroon namang nagsilbing associate director kay Janno para igiya siya sa kanyang pag-alagwa sa pagdidirehe (na siya rin naman ang nagsulat at nag-conceptualize ng istoryang malayo naman daw sa peg ng FPJ-Judy Ann Santos movie), si direk Julius Alfonso.
At dahil nakapagbigay naman na ng statement niya si Janno hinggil sa pagpanaw ng kanyang amang si Ronaldo Valdez, hindi na ‘yun binalikan pa ng media.
Nagbahagi na lang sila ni Anjo ng mga bagay na naituro sa kanila ng kani-kanilang ama na ibinabahagi naman nila sa mga anak nila.
Aminado, over-protective dads sila.
Maski na gustong-gustong mag-showbiz ng dalawa (sa apat) niyang anak, ang mga supling ni Anjo, tigas na kakapigil nito sa dalawa, lalo na roon sa babae.
Umiiwas si Anjo na masaktan ang mga ito lalo’t nakikita naman niya ang itinatagal sa industriya ng mga bagong sibol na artista.
“Ayoko lang silang ma-dishearten. Ako ang unang masasaktan. Kaya para sa akin, mas (gusto) na magtapos na muna sila ng pag-aaral nila para mayroon silang fall back dahil hindi naman tayo sigurado sa mga kakaharapin nila.”
Si Janno, just like his Dad has always kept the communication lines open sa kanyang mga anak.
Si Xia naman, dumaan sa awkward stage. Pero nakatulong daw ang desisyon ng kanyang inang pansamantala muna silang naglagi sa kanilang lalawigan. At nang tanungin na siya kung desidido na ba siyang ituloy ang pag-aartista o babalik na sa Inglatera, ito na nga si Xia sa pelikula na siguradong masusundan pa.
Naaliw lang kami nang mag-imbita si Xia sa showing nito sa January 24, 2024. Kasi declared daw itong national holiday. Lahat kasi nagtanungan.
Nang mag-Google ako, sabi eh National Peanut Day ang celebration ng naturang araw. Hindi kaya sa England ‘yun?
Whatever, aliw kami sa listo ng 14-years old na si Xia at husay magsalita.