ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAGHALAL na ng bagong pamunuan ang Philippine Movie Press Club (PMPC) para sa taong 2024. Naihalal bilang bagong Pangulo si Rodel Fernando, habang Pangalawang Pangulo naman si Eric Borromeo.
Nakilala si Rodel sa mundo ng entertainment bilang artista, radio anchor, online show host at entertainment editor. Naging supervising producer at talent coordinator din siya ng ilang pelikula, TV shows, at live shows.
Naganap ang eleksiyon last Friday, Enero 12, 2024 sa opisina ng club sa Roces Avenue, Quezon City.
Ang iba pang nagwagi sa eleksiyon ay sina Jimi Escala (Secretary), Mildred Bacud (Assistant Secretary), Boy Romero (Treasurer), Lourdes Fabian (Assistant Treasurer), John Fontanilla (Auditor), Leony Garcia at Glen Sibonga (Public Relations Officers).
Ang Board Members naman ay binubuo nina Joe Barrameda, Roldan Castro, Fernan de Guzman, Mell Navarro, Rommel Placente, at Francis Simeon.
Nangangako ang bagong pamunuan sa pangunguna ng bagong halal na Pangulo na si Rodel, na paiigtingin pa ang pagkilos para sa ikauunlad ng club. Asahan din ang mga makabuluhang proyekto na isasakatuparan ng naturang entertainment media group.
Nakatakdang ianunsiyo sa darating na mga araw ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong opisyal. Ang PMPC ang namamahala at nag-oorganisa ng taunang Star Awards for Movies, Television, at Music.