SINAMPAHAN ng kasong rape at limang bilang ng cyberlibel ang isang dating konsehal ng bayan na nanungkulan din bilang barangay chairman, kinilalang si Melvin Santos, residente sa Barangay Camias, San Miguel, Bulacan, sa Provincial Prosecutor’s Office, kamakalawa.
Habang 12 kaso ng cyberlibel ang inihain laban sa negosyanteng si Mary Grace De Leon, residente sa Guillerma Subdivision, Brgy. Sta.Ritang Matanda ng pareho ding bayan.
Ang kasong rape ay isinampa sa piskalya nitong 16 Disyembre 2023 ng isang 21-anyos na lalaki na isang alyas Roy, dating tauhan ni Santos sa kanyang punerarya.
Sa salaysay ng biktima, sinabi niyang 16 anyos pa lamang siya noong naganap ang panghahalay sa kanya ni Santos, na may pananakot sa pamamagitan ng baril.
Matapos ang panghahalay ay nagbanta umano si Santos na kapag nagsumbong siya ay ipakukulong siya pati ang kanyang pamilya.
Bukod kay ‘Roy’ ay dalawa pang kalalakihan sa bayan ng San Miguel ang sinabing magsasampa ng kasong rape laban kay Santos ano mang oras.
Samantala, naghain si San Miguel Mayor Roderick Tiongson ng kasong limang bilang ng cyber libel laban kay Santos at 12 bilang ng kagayang kaso laban kay De Leon nitong 11 Enero 2024 sa piskalya sa Bulacan.
Wala pang pahayag ang kampo ni Santos gayondin ang negosyanteng si De Leon.
(MICKA BAUTISTA)