SUNOD-SUNOD na nasakote ng pulisya sa Bulacan ang apat na drug offenders, pitong pinaghahanap ng batas, at 11 suspek sa ilegal na sugal sa inilatag na anti-crime drive sa lalawigan, nitong Sabado, 6 Enero.
Batay sa mga ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nagsagawa ng anti-illegal drug operations ang mga operatiba ng San Jose Del Monte CPS, San Rafael, Balagtas, at Angat MPS na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na mga suspek sa droga.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang 24 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 8.2 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P55,760; at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ilegal na droga para sa kaukulang pagsusuri, habang inihahanda na ang kaukulang reklamong kriminal laban sa mga naarestong suspek para sa pagsasampa sa korte.
Samantala, nadakip ang pitong mga wanted sa batas sa joint manhunt operation na ikinasa ng tracker team ng ng Bulacan 1st PMFC, Pulilan MPS, at RMFB 3, San Jose Del Monte at Meycauayan CPS; at Bocaue MPS.
Timbog din sa isinagawang anti-illegal gambling operations ng San Rafael, Bocaue, at Balagtas MPS ang 11 kayaong nahuli sa aktong naglalaro ng ilegal na sugal na pusoy at cara y cruz.
Bukod pa rito, inaresto rin ang isang indibidwal dahil sa aktong pangongolekta ng mga taya para sa STL nang walang anumang identification card o sertipikasyon mula sa STL franchise na nagpapahintulot sa kanya na mangolekta ng mga taya.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang pad booklet ng papelitos na may nakasulat na taya, isang itim na ball pen, isangset ng baraha, at taya ng pera sa iba’t ibang denominasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang mga arresting unit/station ang mga arestadong suspek para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)