MULING umiskor ang pulisya sa Bulacan nang masabat sa checkpoint ang isang lalaki na kargado ng baril gayondin ang pagkakadakip sa 15 durugista sa lalawigan kamakalawa at kahapon ng umaga.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), inaresto ng mga tauhan ng Meycauayan City Police Station ang isang 53-anyos rider na kanilang sinita habang nagsasagawa ng checkpoint operation sa kahabaan ng MacArthur Highway sa naturang lungsod dahil sa hindi pagsusuot ng helmet habang sakay ng kanyang motorsiklo.
Nang tanungin ang kanyang lisensiya at mga papeles ng sasakyan, nakita ng mga awtoridad ang puluhan ng baril sa kanyang bag.
Nakompiska sa pag-iingat ng suspek ang isang baril na kalibre .38, walang serial number, at nabatid na kargado ng tatlong bala.
Ang kaukulang kasong kriminal kaugnay ng paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm) ay inihain sa korte laban sa suspek.
Bukod dito, sa mga serye ng anti-illegal drug operations ay nagbunga ng pagkaaresto sa 15 indibiduwal na sangkot sa illegal drug trade.
Nakompiska ng mga operatiba ng Bulacan Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos, Marilao, Bocaue, at Obando C/MPS ang kabuuang 27 sachet ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P85,000 at marked money. (MICKA BAUTISTA)