NAGWAKAS ang matagal nang pagtatago sa batas ng tatlong notoryus na pugante nang sunod-sunod na maaresto kabilang ang 15 pang wanted na tao sa matagumpay na operasyong isinagawa ng pulisya sa Bulacan hanggang kahapon ng umaga, Enero 5.
Sa ulat na isinumite kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang tatlong (3) Most Wanted Persons (MWP) ay sina: Alfonzo Perez Jr. wanted para sa kasong Qualified Theft (2 counts), Top 10 Provincial Level ; si Jomar Orillosa dahil sa paglabag sa R.A 9165 nasa Top 1 Municipal Level ; at MWP City Level ng San Jose Del Monte, na si Leonard Aviera na wanted para sa krimeng Acts of Lasciviousness kaugnay ng R.A 7610 ay matagumpay na naaresto ng pulisya ng Bulacan sa bisa ng warrant na inilabas ng korte.
Bukod dito, labinlimang (15) indibidwal, na wanted sa iba’t ibang krimen at paglabag sa batas ang dinakip ng tracker team mula sa Angat, Marilao, Hagonoy, SJDM, San Rafael, Bulakan, Sta. Maria, San Miguel at Paombong C/MPS.
Ang mga arestadong indibidwal na ito ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng unit/istasyon ng pag-aresto para sa tamang disposisyon.
Ayon kay P/Colonel Arnedo, ang walang humpay na pagtugis ng Bulacan PNP sa mga wanted na kriminal ay sumasalamin sa kanilang pangako kaugnay sa mandato ni RD, PRO3 PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr. na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)