Nagsagawa ng matitinding operasyon ang Bulacan PNP na nagresulta sa pagkasamsam ng libong pisong halaga ng iligal na droga at pagkaaresto sa mga tulak nito sa lalawigan kamakalawa at hanggang kahapon ng umaga Enero 5.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, ang isinagawang drug buy-bust operation ng Plaridel MPS sa Brgy Dampol, Plaridel, Bulacan ay humantong sa pagkakaaresto ni Alyas Rey, 49, tricycle driver na mula sa Dasmariñas, Cavite.
Nakumpiska sa naarestong suspek ang labing-anim na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa Php 45,560 base sa Standard Drug Price, kasama ang marked money.
Bukod pa rito, isang Alyas Pugo, 34, isang foreman, ang inaresto ng San Ildefonso MPS matapos makipagkalakalan ng droga sa mga operatiba.
Nasamsam sa kanyang posesyon ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa Php 17,000 (SDP), kasama ang mga drug paraphernalia, baril at mga bala.
Higit pa rito, ang mga operasyon laban sa iligal na droga ay humantong sa pag-aresto sa labing-apat (14) pang indibiduwal na sangkot sa ipinagbabawal na kalakalan ng droga.
Nakumpiska ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) mula sa Bustos, San Ildefonso, San Rafael, Angat, Guiguinto, at SJDM C/MPS ang kabuuang limampu’t siyam (59) na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 71,800 (SDP), at bust money. (MICKA BAUTISTA)