MULING nagbabala si PRO3 Director PBGeneral Jose S. Hidalgo, Jr., sa publiko laban sa paggamit ng mga ilegal na paputok upang maiwasan ang mga pinsala o pagkamatay sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Kasunod nito ay inilalabas ang listahan ng 234 community firecracker zones sa buong rehiyon na pinaghiwa-hiwalay tulad ng sumusunod: Aurora – 15, Bataan – 3, Bulacan – 61, Nueva Ecija – 28, Pampanga – 24, Tarlac – 63, at Zambales – 40.
Ganoon din ang 113 fireworks display zones na pinaghiwa-hiwalay tulad ng sumusunod: Aurora – 2, Bataan – 4, Bulacan – 29, Nueva Ecija – 28, Pampanga – 11, Tarlac – 10, Zambales – 27, at Angeles City – 2.
“Muli kaming umaapela sa publiko na iwasan ang paggamit ng mga ilegal na paputok upang maiwasan ang anumang pinsala. Sa halip na paputok, maaari nating salubungin ang Bagong Taon sa iba pang uri ng kasiyahan,” dagdag ni PBGeneral Hidalgo, Jr.
Samantala, si Philippine National Police Chief, PGeneral Benjamin C. Acorda, Jr., kasama sina PMGeneral Benjamin H. Silo, Jr, Dir. CSG; PBGeneral Joseph S. Hidalgo Jr., RD, PRO3; PColonel Relly Arnedo, PD Bulacan PPO; at Bulacan Governor Daniel R. Fernando ay pinangunahan nitong Biyernes , 29 Disyembre, ang isang agarang pagbisita sa Barangay Turo, Bocaue Bulacan, par sa ocular inspection sa maraming tindahan at dealer ng paputok dalawang araw bago ang pagdiriwang ng bisperas ng Bagong Taon.
Sa mataong lugar na kilala sa industriya ng paputok o Fireworks Capital of the Philippines, tiniyak ni PGeneral Acorda ang mahigpit na pagsunod sa mga permit at batas ng PNP na namamahala sa pagbebenta ng paputok, at binigyang diin ang pinakamahalagang tagubilin na uniwas sa mga pinsala o pagkamatay sa nalalapit na okasyon.
“Ang aming pokus ay sa kaligtasan,” anang PNP Chief sa panahon ng inspeksiyon, na may diin sa pagtutulungan at pagsisikap na ipatupad ang batas sa tulong ng publiko upang matiyak ang isang ligtas na pagdiriwang sa pagsalubong sa Bagong Taon. (MICKA BAUTISTA)