ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAGBABALIK sa kanyang first love ang Fil-Italian actor-director na si Ruben Soriquez, ang singing.
Nagmarka si direk Ruben sa seryeng Dolce Amore na pinagbidahan nina Liza Soberano at Enriquel Gil, bilang husband ni Cherie Gil. Kasama rin siya sa General Commander, starring Steven Seagal at gumanap dito si Direk Ruben bilang isang mafia member.
Ipinaliwanag niyang bago nakikila bilang aktor at direktor, una muna siyang naging musician.
Saad ni Direk Ruben, “Bago ako pumasok sa acting and directing, dati akong kumakanta at nagsusulat ng mga kanta at musician sa isang rock band sa Italy. Ang aking huling concert sa Italy ay noong 2005.
“I felt it was the right time para bumalik sa first love ko, which is ang musika.”
Paano niya ide-describe ang kanyang music?
“Ang aking genre ay pop-rock na may partikular na panlasa para sa magagandang melodies at liriko na kahulugan. Ganito inilarawan ng Italian media at mga reviewer ang aking mga kanta.”
Naka-ilang compositions na ba siya?
“Ang isa kong album titled Ruben Soriquez, ay may sampung kanta. Pero mayroon akong more than 40 songs already copyrighted that will be included sa next album ko. In the Nineties, tumugtog at kumanta ako sa dalawang banda, Stranafonia at No Smoking, na naglabas ako ng two albums, noong 1997 at 2003.”
Plano ba niyang pagsabayin ang kanyang singing and acting career?
Esplika niya, “I am still active on the acting side, with two feature films where I play the lead role are currently in post productions.
“But I am planning to devote more time to my music career now. I am putting a band together in Rome since I am planning to perform live in Europe and the US, which is my new dream. We are looking forward to making more songs… My 10 songs full album produced by Franco Eco for the label Skene’ of Rome is out now.”
Nilinaw din niyang ang acting ang kanyang bread and butter talaga.
“Ang acting career ko, ito ang aking pangunahing trabaho, and also directing and producing films. Writing songs and singing ay second line of business ko,” sambit niya.
Nabanggit din ni Direk Ruben ang hinggil sa kanyang latest album.
Aniya,”My Album is titled Ruben Soriquez, isa siyang self-titled album since it’s my first solo album. It has 10 songs. I released four singles before the album, I don’t think there is one carrier single…
“Ang kaibahan ng album ko ay kumanta ako sa three languages dito – English (7 songs) Italian (2 songs) and Tagalog (1 song). I particularly like the Tagalog song “Let’s Travel Together”. Sobrang saya ko sa shooting ng music video nito na kasama ko ang buong pamilya ko at kung saan ako ang tricycle driver.”
Pahabol pa niya, “My songs can be listened in all major platforms under Ruben Soriquez: Youtube, Spotify, Amazon, Apple Music, Deezer, FB, Instagram at Tiktok. In my YouTube channel I’ve published four music videos. And I’m inviting ang madla na tangkilikin ang aking kanta at mga music video.”