NANUMPA sa kanilang tungkulin ang mga bagong halal na opisyal ng barangay sa lalawigan ng Bulacan sa harap ni Gob. Daniel R. Fernando sa idinaos na Panunumpa sa Tungkulin ng mga Opisyal sa Barangay sa Lalawigan ng Bulacan na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kamakalawa.
Ginanap ang seremonya ng panunumpa sa loob ng dalawang araw kung saan may kabuuang 4,480 na opisyal ng barangay ang nagtipon mula sa Lungsod ng Malolos at mga bayan ng Bulakan, Calumpit, Hagonoy, Paombong, Pulilan, Doña Remedios Trinidad, San Ildefonso, San Miguel, at San Rafael.
Samantala, bukas, Disyembre 23, 2023, may 6,624 na opisyal ng barangay mula naman sa mga Lungsod ng Baliwag, Meycauayan, at San Jose Del Monte kasama ang mga bayan ng Bustos, Plaridel, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, Pandi, Marilao, Obando, Angat, Norzagaray, at Santa Maria ang manunumpa rin sa kanilang tungkulin.
Binati ni Fernando ang mga bagong halal na opisyal at hinamon sila na ipakita ang isang makabago at ibang uri ng pamumuno na huhubog sa kanila upang maging isang mahusay na lingkod bayan na binibigyang prayoridad ang kanilang mga kababayan at kani-kanilang nasasakupan.
“Manindigan po tayo para sa isang makabagong uri ng pamumuno. Tandaan po natin—ang kinabukasan ng ating pamilya, mga anak, at ng susunod na henerasyon ay magmumula sa barangay kaya’t napakahalaga na tayo mismo ay maging ehemplo ng mga lider na tunay na magsisilbi sa interes ng nakararami, at hindi para sa pansariling kapakanan,” ani Fernando. (MICKA BAUTISTA)