ni Almar Danguilan
SINIBAK sa puwesto ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Redrico Maranan ang tatlong pulis kabilang ang isang opisyal dahil sa kumalat na video kuha sa crime scene ng beteranong aktor na si Ronald James Dulaca Gibbs o mas kilala sa tawag na Ronaldo Valdez.
Ayon kay Gen. Maranan, ang mga sinibak sa puwesto ay sina P/Lt. Col. Reynante Parlade, station commander ng QCPD Police Station 11 at ang dalawang tauhan nito na sina P/SMSgt. Wilfredo Calinao at si P/Cpl. Romel Rosales.
Inalis sa kanilang departamento ang tatlong sibilyan na nakitang nag-post sa social media ng naturang insidente.
Sa kumalat na video, nakita ang aktor na duguang nakaupo at may hawak na baril sa kanyang townhouse sa New Manila, Quezon City, at may sugat sa kanan at kaliwang sentido na pinaniniwalaang tama ng bala ng baril.
Ang pagkalat ng nasabing video ay mariing pinuna at kinondena ng talent manager ni Gibbs na si Jamela Santos na maging sa kanyang social media account ay na-tagged ito.
“Stop this!!! May kaibigan ba ako from NBI? Please help!!!” Bulalas ni Santos sa social media at nagpapasaklolo sa National Bureau of Investigation (NBI).
“Why can people be so cruel! I can’t believe!!! Ano, para maka-scoop kayo??? Para mag-trending kayo???” dagdag ni Santos.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Privacy Act at Administrative case ang dalawang pulis habang si Parlade ay pananagutin sa ilalim ng command responsibility.
Kasalukuyang nasa holding center ng QCPD ang tatlong pulis na sinibak sa puwesto.
Samantala, labis na ikinalulungkot ng buong lungsod ng Quezon ang pagkamatay ng magaling at beteranong aktor na si Valdez.
Mariing kinokondena ng lokal na pamahalaan ang pagkalat ng video na kuha sa loob ng bahay ng beteranong aktor.
“This is a breach of privacy and basic human decency against the individual and his bereaved family. I am directing QCPD Director P/BGen. Redrico Maranan to conduct an investigation against all police personnel involved at the scene with corresponding sanctions to those at fault. A thorough review of all protocols in conducting emergency response and investigation should be conducted, with respect to the rights of all parties in a case,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.
“To our QCitizens, we sincerely beseech you to refrain from sharing the said video. Let us respect the privacy and dignity of the late actor and his family in this time of intense grief. It is highly distasteful for anyone to use the sad and unfortunate demise of an individual to gain social media mileage and popularity,” apela ng alkalde.