ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
PALABAN sa pagpapa-sexy ang newbie actress na si Rica Gonzales.
Kahit baguhan pa lang ang magandang alagang ito ni Ms. Len Carrillo, sunod-sunod ang ginagawa niyang projects ngayon.
Una na rito ang pelikulang Hibang na tinatampukan nina Sahara Bernales at Ali Asistio. Ito’y hatid ng Pelikula Indiopendent at BLVCK Entertainment, sa direksiyon ni Sigrid Polon at creative produced ni Roman Perez Jr.. Mapapanood na ang Hibang sa December 29, exclusively on Vivamax.
Ang iba pang pelikula ni Rica ay ang Sin City ni Direk Abdel Langit at Sisid Marino na pamamahalaan naman ni Direk Joel Lamangan.
Nagkuwento si Rica sa kanyang unang pelikula.
Aniya, “Ang gagampanan ko po rito sa Hibang ay si Issa na napakasayahin, very friendly… pero may itinatago pala itong pinagdaraanan. Makikita ninyo rito kung paano ako bilang kaibigan at bilang partner. Honestly, I’m really not that confident with my body noong time na ginawa po namin itong movie na ito.”
Si Rica ay 20 years old at 2nd year college sa PATTS College of Aeronautics ng kursong Bachelor of Science in Air Transportation.
Inusisa namin kung paano siya napasok sa showbiz at naging talent ni Ms. Len?
Kuwento ni Rica, “I was invited to watch the show of VMX Bellas sa Viva Cafe po and then lumapit at nagpakilala po si Nanay Len. Doon na po nag-start lahat po.
“Tinanong niya po ako kung gusto ko ba raw po na pasukin ang showbiz at dahil noong bata pa lang po ako ay pangarap ko na po talaga mag-artista, hindi ko na po talaga sinayang yung opportunity na ibinigay po sa akin.”
Hanggang saan ang kaya niyang ipakita? Ano ang limitations niya sa pagpapa-sexy sa pelikula?
Seryosong pahayag ng dalaga, “Sa totoo lang po ginagawa ko po ito na stepping-stone, itong pagpapaseksi ko po sa pelikula dahil gustong-gusto ko po talagang i-pursue ang showbiz career ko. And as long as hindi naman po na tine-take advantage ang ginagawa ko po ay okay po ako roon.”
Aminado ang dalaga na sobrang kinabahan siya sa unang pagsabak sa love scene.
Aniya, “Noong una po talaga, super kinabahan ako since first time ko po talaga and medyo naiilang pa, kasi may mga ibang tao po na nandoon sa loob. Pero siyempre yung mga kailangan lang naman po and nahihiya pa ako sa partner ko, pero nang tumagal naman, naging comfortable naman po ako.”
Dagdag pa ni Rica, “Unang naka-love scene ko po ay si ate Angelica Cervantes sa Haslers. Si ate Angelica, very maalaga siya and ginabayan niya talaga ako sa love scenes, since yun ang unang appearance ko sa Vivamax.
“Pati sina Ali Asistio sa Hibang, una kong lalaki na naka-love scene and I’m very-very thankful for him kasi before yung love scene talaga namin, lagi siyang nagso-sorry and every after scene wala siyang pake na makitaan, basta mai-cover niya lang ako kaagad. Si Sahara Bernales ng Hibang, magaan din siyang makatrabaho naggagabayan po kami bale, sa every love scenes. Then, si Sean De Guzman sa Sin City, na same with Ali Asistio naman po, maalaga siya and every after scene kino-cover niya ako.”
Diretsahang sinabi rin ng aktres na game siya sa intriga sa showbiz at excited siya sa opportunity na ibinigay sa kanya kaya pagbubutihin talaga niya ang kanyang trabaho.
Nakangiting pahayag ni Rica, “Game na game po ako sa intriga at sobrang, naglu-look forward po talaga ako na sa mga upcoming projects ko po and promise ko po na gagalingan ko po talaga para ma-satisfied po ang mga manonood.”