RATED R
ni Rommel Gonzales
INI-IMAGINE namin na ang cute sigurong pagmasdan habang nagmamaneho si Marian Rivera ng E- bike o anumang electronic vehicle tulad ng golf cart habang ang pasahero niya ay ang mister na si Dingdong Dantes at ang mga anak nilang sina Zia at Ziggy.
Ang Dantes family kasi ang newest and first celebrity endorsers ng NWOW na siyang kompanya na nagbebenta ng mga electronic vehicle na usong-uso ngayon sa Pilipinas.
Sa tanong sa GMA Primetime Queen kung kaya ba niyang magmaneho ng electronic vehicle sakay ang kanyang pamilya, oo raw dahil napakadali nitong gamitin.
Convenient kasi ang mga electronic vehicles kapag malapitan lamang ang pupuntahan, tulad nga ng kuwento ni Dingdong, na sa barangay nila (yes, barangay ang term na ginamit ni Dindgong although for sure, sosyal na village ang tinitirhan nilang mag-anak) ay electronic vehicles ang gamit nila kapag pupunta sa park o mag-iikot lamang sa kanilang lugar.
At napaka-responsible ni Dingdong sa paalala sa mga sumasakay sa mga E-bike o anumang electronic vehicle, na kahit safe naman ang mga ito kahit para sa mga bata, kailangan pa ring magsuot ng helmet at safety or protective gears para matiyak ang kaligtasan ng mga nakasakay.
Kaya hindi talaga nagkamali sina Mr. Liu Lucius at Mr. Julius Santos ng NWOW sa pagpili sa pamilyang Dantes bilang celebrity endorsers ng kanilang produktong sasakyan.