NAGSAGAWA ng mga serye ng operasyon ang Bulacan PNP na nagresulta sa matagumpay na pagkakumpiska ng mga iligal na droga at pagkaaresto ng mga notoryus na tulak sa lalawigan..
Sa ulat na isinumite kay P/Lt/Colonel Jacquiline P. Puapo, officer-in-charge ng Bulacan PPO, isang matagumpay na drug sting operation ng mga tauhan ng City of San Jose Del Monte Police Station ang ikinasa sa Libis, Zone 2, Brgy. Muzon, City of San Jose Del Monte, Bulacan na humantong sa pagkaaresto ng limang notoryus na tulak..
Nakumpiska sa operasyon ang dalawampu’t siyam (29) na sachet ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 12 gramo ang bigat, may Standard Drug Price (SDP) na humigit-kumulang Php 81,600, kasama ang markadong pera.
Kasunod nito ay inaresto ng grupo ng anti-illegal drug operatives sa pangunguna ng Provincial Drug Enforcement Unit/ Provincial Intelligence Unit (PDEU/PIU) kasama ang Bocaue at Malolos City C/MPS ang isang 29-anyos na tulak ng droga mula Batia, Bocaue sa isang buy-bust operation sa Sumapang Matanda, Malolos City, dakong 1:30 ng madaling araw kahapon.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa mga suspek ang tatlong (3) sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa Php 68,00 {SDP) at markadong pera.
Bukod dito, tinatayang kabuuang halaga ng humigit-kumulang Php 48,000 {SDP) ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa magkakasunod na drug buy-bust operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Baliwag, Pandi, Pulilan, San Ildefonso, at Malolos C/MPS, na nagresulta sa pagkakaaresto ng walong ( 8 ) pang nagbebenta ng droga.
Gayundin, dalawang (2) indibidwal din ang inaresto ng mga anti-drug operatives ng Plaridel MPS matapos ang drug buy-bust na nagresulta sa pagkakakumpiska ng apat (4) na sachet ng marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php). 15,240 {SDP) at markadong pera.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang mga reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 ang inihahanda laban sa mga suspek na isasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)