Monday , December 23 2024
Bulacan Padre Mariano Sevilla

Paninindigan at Pamana, inalala sa ika-100 Taon ng Pagkamatay ni Padre Mariano Sevilla

GINUNITA ng mga Bulakenyo ang ika-100 anibersaryo ng pagkamatay ni Padre Mariano Sevilla, ang kilalang nagpasimula ng tradisyon ng Flores De Mayo sa Bulacan na lumaganap sa buong bansa.

Sentro ng paggunita ang pormal na paglalagak ng panandang pangkasaysayan na ipinagkaloob ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP.

Pinangunahan ni NHCP Chairman Emmanuel Calairo ang seremonya ng paghahawi ng tabing bilang tanda ng pagkilala sa pari bilang isang bayani at natatanging alagad ng simbahan.

Matatagpuan ito sa gilid ng makasaysayang simbahan ng Nuestra Senyora de la Asuncion na nasa kabayanan ng Bulakan, Bulacan.

Ayon kay Chairman Sevilla, kapag napag-uusapan ang pagiging dakila ng isang pari, pinaka naaalala ang tatlong paring martir na sina Padre Mariano Gomez, Padre Jose Burgos at Padre Jacinto Zamora na kilala bilang ‘GomBurZa’.

Para sa kanya, maihahanay rin ang kadakilaan, paninindigan at pamana na ipinamalas ni Padre Sevilla noong siya’y nabubuhay hanggang sa mamatay noong 23 Nobyembre, 1923.

Una na rito ang matapang na pagsusulong ng sekularisasyon upang igiit ang pantay na pagtrato ng mga prayleng Kastila sa mga paring Filipino.

Pangunahin diyan ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga paring Pilipino na maidestino o humawak ng isang parokya at maging ng isang diyosesis.

Noong panahong iyon, tanging mga prayleng Kastila lamang ang may kapangyarihan at karapatan na humawak ng mga parokya at diyosesis.

Humantong ito sa matinding usapin kung saan napupunta ang abuloy ng mga mananampalataya sa simbahan.

Kasama ng GomBurZa, nadawit din si Padre Sevilla sa nangyaring rebelyon sa Cavite noong 1872.

Dahil sa mga pagkilos na ito, ipinatapon si Padre Sevilla sa isla ng Marianas na nasa labas ng Filipinas sa karagatang Pasipiko.

Bukod sa matapang na paninindigan laban sa pamamalakad ng mga Kastila at ng mga prayle, kinikilala rin ang natatanging ambag ni Padre Sevilla sa aspeto ng isang tradisyong pampananampalataya.

Pangunahin dito ang pag-aakda niya ng sulating pansimbahan sa wikang Tagalog, tulad ng babasahing Debosyonal para sa Flores De Mayo noong 1867.

Itinatag niya ang samahang Hijas de Maria na kalaunan ay naging Hijas y Caballeros de Maria na isang samahan sa Bulakan na nangangasiwa sa taunang pagdadaos ng Flores De Mayo.

Nakarating sa State of Vatican ang inisyatibong ito ng pari kaya ginawaran siya ni Papa Benito XV ng Prelado Domestico noong 1920 bilang pagkilala sa kanyang ambag na maipaglaban ang mga kapwa pari.

Bagama’t mula sa pamilyang taal na taga-Bulakan, Bulacan, ipinanganak si Padre Sevilla sa Tondo noong 12 Nobyembre, 1839.

Ang Tondo ay nagsisilbing ‘luwasan’ ng mga taga Malolos, Bulakan at Obando noong mga panahong iyon dahil dating nasa ilalim ng parokya ng Tondo ang mga simbahan sa gawing ito ng Bulacan.

Nagsilbing pangkaraniwang pari sa iba’t ibang bayan ng Bulacan at naging guro sa Real Colegio de San Jose.

Pag-alis ng mga Kastila sa Filipinas, nakibahagi si Padre Sevilla sa pagtatatag ng Instituto de Mujeres na naging kauna-unahang paaralan para sa mga babaeng Katoliko sa bansa.

Samantala, sinabi ni Bulakan Mayor Vergel Meneses na instrumento si Padre Sevilla upang mas lumaki pa ang papel ng simbahan sa lipunan at mabigyan ng inspirasyon ang karaniwang mga mamamayan na manindigan para sa tama. (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …