AAGAPAYAN ng Department of Trade and Industry o DTI ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan, partikular ang nasa larangan ng Creative Industry, na makapasok sa digital services at digital training platforms.
Ito ang tiniyak ni DTI-Region III Officer-in-Charge Assistant Regional Director at siya ding DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon sa ginanap na OTOPamasko Holiday Fair sa SM City Baliwag.
May 28 mga MSMEs na nasa Creative Industry ang itinampok sa nasabing holiday fair na pawang naka-onboard na sa digital platform sa retailing, marketing at payments. Kabilang sila sa nasa 3,824 na mga MSMEs sa Bulacan na yumakap na sa digitalization.
Mas mataas na bilang ito kumpara sa 2,441 na MSMEs na nai-onboard ng DTI sa mga digital platforms noong Hulyo 2022 sa lalawigan.
Tiniyak pa ni Dizon na patuloy na isusulong ng DTI na lahat ng mga MSMEs sa Creative Industry ay maipasok sa digitalization bilang pagtalima sa itinatadha ng Republic Act 11904 o ang Philippine Creative Industry Development Act o PCIDA.
Nakalinyang ipasok ng DTI sa Creative Digital Content Creation Program nito ang mga nakapaloob sa industriya gaya ng nasa sektor ng design, audiovisual media, creative services, digital interactive media, publishing and printed media, performing arts, visual arts, traditional cultural expressions, cultural sites at iba pang sumisibol na creative segments.
Kaya naman sa OTOPamasko Holiday Fair, nilagyan ng mga Quick Response o QR Code ang bawat pwesto nitong 28 mga Creative MSMEs. Ito’y upang mas maipakilala sa mga mamimili na uubra ang digital payments sa kanilang pagbili.
Pinakamalaki rito ang Armyths International Fashion Design ng Pulilan. Gumagawa at nagtitinda ito ng mga hand-beaded fashion accessories na regular na nakakapag-export sa Canada, United States at sa United Kingdom.
Ayon kay Myta Garcia, may-ari nitong fashion design firm, malaking tulong ang naibigay na pagkakataon ng DTI upang mas makilala at mapalawak ang nararating na merkado ng likhang Pulilan para sa mga tinaguriang ‘fashionista’.
Pangunahin aniya rito ang pagkakasali ng Armyths International Fashion Design sa taunang Manila FAME. Isa itong premier design and lifestyle sourcing event para sa mga premium quality na artisan works.
Ang Pulilan Handicrafts naman ni Cristina Castro ay gumagawa ng mga likhang produkto na tinatawag na cultural gifts. Gawa ito sa mga pinatuyo o pinagbalatan ng mga gulay at prutas. Ginagamit din nila na hilaw na materyales ang iba’t ibang bahagi ng mga halaman, puno at ang Abaka o kilala sa tawag na Manila Hemp.
Ipinakikilala naman ng DTI ang Vera Macrame Knitted Products Manufacturing na pinakabagong Creative MSME sa Malolos. Pag-aari ng isang bagong graduate ng college na si Chloe De Vera na ginamit ang hilig o hobby para makapagtayo ng isang negosyo, na gumagawa ng mga produkto mula sa mga tinahi ng kamay o hand knitting at weaving.
Mayroon itong mga hand at shoulder bags, ipit sa buhok, tumbler holder, bracelets at mga ‘palawit’ sa mga bags na nai-export sa Italy, United Arab Emirates o UAE, Singapore at Australia.
Ayon pa kay De Vera, hindi lamang ito isang negosyo, isa rin itong adbokasiya kung saan nagsasagawa siya ng mga Fiber Art Workshop. Bukod sa maisasalin ang kamalayan sa hand knitting at hand weaving ng mga functional at decorative fiber items, makakatulong ang kikitain nito sa tutukuying social welfare beneficiary.
Samantala, ibinalita ni DTI-Bulacan Information Officer Mary Grace Sta.Ana- Reyes na umabot sa P500 libo ang naitalang kita ng OTOPamasko Holiday Fair sa buong durasyon ng pagdadaos nito mula Nobyembre 15-19, 2023 sa SM City Baliwag, sa lungsod ng Baliwag. (MICKA BAUTISTA)