NAKUMPISKA sa pinaigting na serye ng mga operasyon ng pulisya laban sa ilegal na droga P258,000 halaga ng hinihinalang shabu sa lalawigan ng Bulacan, hanggang nitong Miyerkolas ng umaga, 29 Nobyembre.
Bukod sa pagkakakumpiska ng pinaniniwalaang ilegal na droga, nagresulta din ang mga operasyon sa pagkakadakip sa 16 indibiwal na nangangalakal ng droga at lumabag sa batas.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nakumpiska sa ikinasang drug sting operation ng mga tauhan ng San Miguel MPS sa Brgy. Salangan, San Miguel ang humigit-kumulang sa 25 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P170,000, at marked mone.
Naaresto din sa operasyon ang isang 21-anyos na lalaking pinaniniwalaang tulak mula sa Sta. Ana, Maynila, na kabilang sa drug watchlist ng PNP-PDEA.
Bukod dito, sunod-sunod na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pandi, Pulilan, San Miguel, Plaridel, at Angat MPS ang serye ng drug buy-bust operation.
Arestado sa mga operasyong ito ang walong mga drug suspect na nasamsaman ng dagdag na P88,000 halaga ng hinihinalang shabu, at markadong pera.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang lahat ng mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comrpehensive Dangerous Drugs Act of 2002 n isasampa laban sa mga nadakip na suspek.
Gayundin, nasakote ng mga tracker team ng San Jose del Monte, Norzagaray, Bocaue, San Miguel, at Sta. Maria C/MPS ang pitong indibidwal na pinaghahanap ng batas para sa iba’t ibang kasong krimina batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng korte laban sa kanila.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station ang mga dinampot na suspek para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)