TINATAYANG nasa P963,000 halaga ng marijuana ang nasamsam at dalawang tulak ang nahuli sa isinagawang anti-criminality operations ng pulisya sa Bulacan kahapon ng madaling araw, 24 Nobyembre 2023.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, dakong 12:25 am nang matagumpay na nagsagawa ng drug sting operation ang Malolos CPS sa Bgy. Pinagbakahan, Malolos, Bulacan.
Sa ikinasang operasyon, nakompiska ang higit anim na kilong pinatuyong dahon ng marijuana, may Standard Drug Price (SDP) na P720,000, kasama ang markadong pera at isang unit ng putting Honda ADV may plakang 697ROG.
Kinilala ang arestadong suspek na si alyas Glenn, residente sa Bgy. Pinagbakahan, Malolos City, Bulacan, kasalukuyang nsa custodial facility ng Malolos CPS.
Kasunod nito ay nagsagawa rin ng drug buybust operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Balagtas Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Santol, Balagtas, Bulacan, dakong 1:45 am.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa isang drug peddler na kinilalang si alyas Reyvin, 25, residente sa Bgy. Pinagkuartelan, Pandi, Bulacan.
Ang nakompiskang ebidensiya ay 2.03 kilo ng hinihinalang pinatuyong dahoon ng marijuana, may Standard Drug Price (SDP) na P243,600 at markadong pera.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakompiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang ang reklamong kriminal sa paglabag sa RA 9165 laban sa mga suspek ay inihahanda para sa pagsasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)