MULING umiskor ang mga awtoridad laban sa mga grupong kriminal na nagresulta sa pagkaaresto ng pinuno ng kilalang Janawi Criminal Group at dalawang miyembro nito sa isang anti-drug operation sa Subic, Zambales, Miyerkoles ng gabi, 22 Nobyembre.
Sinabi ni PRO3 Regional Director P/BGen. Jose S. Hidalgo, Jr., ang Subic Municipal Police Station kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Zambales Provincial Office, Police Intelligence Unit (PIU) Zambales Provincial Police Office (ZPPO), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ZPPO, 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ZPPO, 305th Mobile Company (MC), Regional Mobile Force Battalion 3 (RMFB3), at Provincial Intelligence Team (PIT) Zambales-RIU3 ay magkakatuwang na naglunsad ng anti-drug operation.
Ito ay nagresulta sa pagkakaaresto kay Roger Janawi, ang pinuno ng Janawi Criminal Group at dalawa pang miyembro ng grupo, na nasa watchlist, dakong 8:55 pm sa Barangay Calapacuan, Subic, Zambales.
Nakuha mula sa tatlo ang hinihinalang shabu, na tumitimbang ng 296 gramo, tinatayang may presyong P2,012,800 batay sa Dangerous Drugs Board (DDB) standard drug price at isang kalibre .38 revolver na may anim na bala. (MICKA BAUTISTA)