SA PINAIGTING na kampanya ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa ilegal na droga, apat na drug pusher ang nadakip makaraaang makompiskahan ng P1.9 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation, iniulat kahapon.
Sa ulat kay QCPD Director, PBrig. Gen. Redrico Maranan mula kay Novaliches Police Station (PS 4) chief, P/Lt. Col. Jerry Castillo, nadakip ang apat sa magkakahiwalay na drug operation.
Sa unang operasyon, nadakip sina Madelaine Grace Dalion, 29, residente sa Bgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City; at Jhon Delmar Villacorta, 28, residente sa Ugong Sulok, Valenzuela City.
Dakong 7:10 pm nitong Huwebes, 23 Nobyembre, nagsagawa ang pulisya ng buybust laban sa dalawang suspek sa General Luis St., sa gilid ng Villa Nova Subdivision, Bgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Bumili ng halagang P45,000 shabu ang pulis na nagpanggap na buyer. Nang magkaabutan, dinakip ang dalawang suspek.
Umabot sa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000 ang nakuha sa mga suspek; at isang black belt bag; cellular phone, isang pulang Yamaha NMAX (528 PZI), at ang buybust money.
Sa ikalawang operasyon, nadakip sina Victor Lauza, 33, residente sa Bgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City dakong 1:00 am kahapon, 24 Nobyembre sa Sinforosa St., Bgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City matapos bentahan ng 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000 ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Habang sa huling operasyon, nadakip si Bryan Rivera, 23, residente sa Bgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City. Siya ay nadakip dakong 10:00 am kahapon sa kanyang bahay matapos makuhaan ng 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000.
Sasampahan ng mga kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga nadakip.
“I commend the PS 4 operatives led by the Station Commander, P/ Lt. Col Jerry Castillo for their relentless efforts in anti-illegal drug operations that resulted in the arrest of the suspects and the recovery of the said pieces of evidence. These accomplishments show our commitment to NCRPO Action Plan to intensify campaign against Illegal drugs, the 5-Focused Agenda of our Chief PNP and aligned with the DILG BIDA Program, striving to curb drug trafficking and usage,” pahayag ni Maranan. (ALMAR DANGUILAN)