RATED R
ni Rommel Gonzales
MISMONG si Shaira Diaz ang nagsabi sa amin na hindi pa sila engaged ng kasintahan niyang si Edgar Allan o EA Guzman.
Pero aminado si Shaira na pinag-uusapan na nila ang kasal.
Sampung taon na ang relasyon nina Shaira at EA. Kailan ang plano nilang magpakasal?
“Pagka-graduate po, siguro kahit isang taon na ipon muna, para lang ready kami parehas, hindi kami pupulutin sa kangkungan, alam mo ‘yun?
“Para magawa namin ‘yung dream wedding namin, gusto ko may ipon kami parehas, hindi lang siya, hindi lang ako,” pagpapatuloy pang sinabi ni Shaira.
May dream wedding ba sila?
“Church wedding pa din naman.”
Grande ba ang nais nilang wedding?
“Well, si Edgar gusto niya ‘yung medyo grand, hindi naman super pero medyo, kasi…”
Kasi pareho silang artista kaya dapat grande?
“Well hindi naman…puwede namang… pero parang once in a lifetime lang naman siya mangyayari at iyon na rin ‘yung pinaka-gift namin sa isa’t isa, ‘yung wedding na ‘yun.”
Saad pa ni Shaira, “Kasi ang tagal naming magkasama, ang tagal naming nagmamahalan na, just to celebrate, alam mo ‘yun, parang siguro naman okay lang na medyo grand kahit paano.”
Pero magtatapos nga muna si Shaira ng kolehiyo bago ang kasalan. Fourth year Marketing Management student si Shaira sa University of Perpetual Help sa Las Pinas City.
Isang taon na lamang at magtatapos ito sa pag-aaral.
“And then ipon lang ng one year tapos puwede ng pag-usapan.
“Kasi gusto ko kapag pinlano na namin ‘yung kasal parang gusto ko ready na ko, wala ng, ‘Ay teka lang may assignment ako!’
“Walang, ‘Ay teka lang may project ako!’
“Ayoko ng ganoon, gusto kong mag-focus na lang kay Edgar,” pahayag pa ni Shaira na napapanood sa Lovers/Liars bilang si Nika Aquino.
Pinagbibidahan ni Claudine Barretto bilang Via Laurente, nasa cast din sina Lianne Valentin bilang Hannah Salalac; Kimson Tan bilang Kelvin Chong; Christian Vasquez bilang Victor Tamayo; Michelle Vito bilang Andrea “Andeng” Segreto; Rob Gomez bilang Joseph Mentiroso; Polo Ravales bilang Ronnie Sandiego; at Yasser Marta bilang Caloy.
Sa direksiyon ni Crisanto Aquino, napapanood ito sa GMA Telebabad at sa mga nasa abroad sa GMA Pinoy TV.