PATAY ang isang estudyante habang sugatan ang isang pasahero makaraang araruhin ng isang pampasaherong bus ang loob ng terminal ng isang mall sa Barangay Ibayo, Balanga, Bataan kamakalawa ng gabi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Balanga City Police Station {CPS, nakaparada ang bus sa terminal nang biglang matapakan ng drayber ang accelerator pedal dahilan para ito ay umandar at bumangga sa pader na bumagsak sa mga naghihintay na mga pasahero.
Kinilala ang mga biktima na si Jen Orvial Titulo, 20-anyos, residente ng Cabcaben, Mariveles, Bataan isang estudyante, na idineklarang dead-on-arrival sa ospital habang nagtamo naman ng mga sugat sa dibdib, likod, at leeg ang isa pang lalaking pasahero na nagpapagamot ngayon.
Kaugnay nito ay napag-alamang mahaharap ang bus driver sa mga reklamong reckless imprudence resulting to homicide, physical injury, at damage to property.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa pamunuan ng naturang mall at iba pang ahensya para sa patuloy na imbestigasyon sa insidente. (MICKA BAUTISTA)