PINANGASIWAAN ni Police Regional Office 3 Regional Director PBGeneral Jose S. Hidalgo Jr ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong recruit na pulis kasunod ng kanilang presentasyon ni PColonel Rudecindo L. Reales, Deputy RD for Operations kamakalawa, Nobyembre 20 sa PRO3 Parade Ground, Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga.
Ang 600 matagumpay na mga aplikante ay binigyan ng ranggong Patrolman.
Napili ang mga bagong tauhan ng pulisya matapos ang mahigpit na proseso ng screening na isinagawa ng Regional Screening Committee on Recruitment na pinamumunuan ni PBGeneral Enrico H. Vargas, Deputy RD for Administration.
Matapos ang kanilang oath-taking ceremony, sasailalim pa sa isang taong pagsasanay ang mga bagong recruit ng pulis sa Regional Training Center 3 sa Magalang, Pampanga.
“Sa iyong panunumpa, tandaan na ikaw ay nagiging bahagi ng isang bagay na mas dakila kaysa sa iyong sarili. Ikaw ay nagiging isang tagapag-alaga, isang tagapagtanggol, at isang tanglaw ng pag-asa para sa mga taong umaasa sa pagpapatupad ng batas para sa kaligtasan at katarungan, “sabi ni PBGeneral Hidalgo Jr. sa mga rekrut. (MICKA BAUTISTA)