ni Almar Danguilan
MAGHAHARAP sa Quezon City Prosecutor’s Office sina dating pangulong Rodrigo Duterte at House Deputy Minority Leader, ACT Teachers party-list Rep. France Castro para sa gagawing preliminary investigation kaugnay sa reklamong grave threat ng mambabatas laban sa una sa 4 Disyembre at 11 Disyembre 2023.
Inutusan ng korte si Duterte na magsumite ng kanyang counter-affidavit.
Ang subpoena ay may petsang 27 Oktubre ngunit ngayon lang naisapubliko.
Una rito, sinampahan ng kasong kriminal ni Castro si Duterte dahil sa aniya’y pagbabanta sa kanyang buhay, na ipinalabas sa national television at livestream online.
Kasama ang kasalukuyan at dating Makabayan bloc representatives at ang kanyang mga abogado mula sa Movement Against Disinformation, inihain ni Castro ang grave threats complaint laban sa dating pangulo sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Malubhang pagbabanta ito sa aking buhay dahil nagkaroon din naman ito ng epekto lalo sa panahong ako ay kasalukuyang nagdadalamhati sa pagkamatay ng aking tatay, doon pa niya talaga pinagbantaan ang aking buhay,” pahayag ni Castro sa isang ambush interview matapos ang paghahain ng kaso.
“Talagang na-shock po ako roon sa ginawang threat ni dating Presidente Rodrigo Duterte sa aking buhay… Talagang masakit. Parang dobleng sakit ang naramdaman ko noong panahon na ‘yon na naka-receive pa ako ng pagbabanta sa aking buhay,” pahayag ni Castro.
Sa isang episode noong 11 Oktubre sa kanyang TV program na Gikan sa Masa, Para sa Masa sa SMNI News Channel, ibinahagi ni Duterte ang kanyang payo sa kanyang anak na si Vice President Sara Duterte, kung paano gamitin ang kanyang confidential at intelligence funds.
“Pero ang una mong target d’yan sa intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ayon umano sa dating pangulong Duterte.
Bagama’t binanggit lamang sa pahayag ang pangalang “France,” sinabi ni Castro na alam niya na siya ang tinutukoy dahil ang kanyang buong pangalan ay nabanggit sa panayam.
“Talagang nakita ko na ako talaga ‘yung tinutukoy niya roon sa kanyang programa dahil may kinalaman ito doon sa mga subjects na related sa ginagawa natin sa Kongreso,” anang kongesista.
“Tingin ko, kaugnay ito sa ginampanang role sa Kongreso — pagbusisi sa confidential funds na nagbunga ng pagkatanggal, pagka-realign ng budget,” dagdag ng kinatawan ng ACT Teachers party-list.