SIPAT
ni Mat Vicencio
NAGKAKAMALI ang Makabayan bloc kung inaakalang ang kanilang ginawang pangangalampag sa Kongreso ay tunay na tagumpay lalo ang pagharang sa budget ng tanggapan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte.
Sa nangyaring pagbasura sa P650 million confidential fund ni Sara, hindi lamang ang Makabayan bloc ang nagbubunyi sa Kamara, higit sa lahat, si House Speaker Martin ‘Tambaloslos’ Romualdez.
Parang nabunutan ng tinik sa lalamunan si Tambaloslos dahil sa halip na siya ang ‘gumiba’ kay Sara, ang tatlong mambabatas ng Makabayan bloc na sina Rep. France Castro, Rep. Arlene Brosas, at Rep. Raoul Manuel ang tila naging ‘hitman’ ng speaker.
Kung matatandaan, nauna nang kinuwestiyon ng Makabayan bloc ang P125 million confidential fund ng OVP na inilaan noong 2022 at ginastos lamang ng tanggapan ni Sara sa loob ng 11 araw.
Masasabing gamit na gamit ni Tambaloslos ang Makabayan bloc dahil kung tuluyang masisira at mawawala sa kanyang landas si Sara, magiging smooth na ang kanyang planong pagtakbo sa 2028 presidential elections.
Lumalabas din sa mga pangyayari na hinayaan lang ni PBBM ang diskarte ni Tambaloslos na wasakin si Sara sa Kamara, patunay na suportado ang kanyang pinsan sa darating na halalang pampanguluhan.
Uto-uto na lumalabas ang Makabayan bloc dahil pulido ang pagkakagawa ng ‘trabaho’ ni Tambaloslos na sirain si Sara habang ang nakalantad o nakasalang sa sinasabing ‘paggiba’ ay ang tatlong makakaliwang mambabatas.
Kaya nga, tiyak na malaking pasasalamat ang ipinaaabot ng mga kaalyado ni Tambaloslos sa Kamara sa Makabayan bloc dahil hindi na sila mahihirapan na wasakin pa si Sara, at umaasa na kalaunan ay tuluyang mabubura ang pangalan nito sa mga presidentiables.
Maagang ‘na-Binay’ si Sara, ang kasalukuyang nangungunang politiko sa 2028 presidential race at pinaniniwalaang papalit sa trono ni PBBM. At dahil sa ginawa ng Makabayan bloc, malamang na masira ang plano ni Sara sa politika.
At para naman sa Makabayan bloc… nabudol kayo ni Tambaloslos! (30)