NAKAKULONG man, nanalo pa rin ang tatlong persons deprived of liberty (PDLs) o preso sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong October 3o.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Ruel S. Rivera, dalawang PDL ang nanalo mula sa CALABARZON na nakakulong sa Tanay at Dasmariñas City Jails at isa dito ay no. 1 sa mga kagawad, habang ang isa pang nanalo ay nakapiit naman sa Cagayan de Oro City.
“Tatlong PDLs ang nanalo pero ito ay partial at unofficial status dahil ang Comelec (Commission on Elections) po ang mag-a-announce noon,” ani Rivera.
Nabatid na ang tatlo ay kabilang sa walong PDLs na kumandidato bagamat nasa likod ng rehas.
Itinuturing ni Rivera na tagumpay ang eleksiyon sa loob ng mga piitan matapos na 26,268 botante o 90 porsiyento ng 29,288 voters ang nagawang makaboto at naging mapayapa.
Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, ito ay isang indikasyon na nananatili at umiiral ang demokrasya sa bansa.
Aniya, ito ang kauna-unahang paglahok ng mga PDL sa BSKE sa buong bansa, pero paglilinaww ng kalihim na nakasalalay pa rin sa desisyon ng kanilang mga kaso kung saan sila ay maaaring makapagsilbi sa kanilang nasasakupan.
“Kung acquitted siya, makakapagsilbi siya, makakalabas eh. Pero kapag guilty ay malamang ay disqualified”, dagdag ng DILG chief. (ALMAR DANGUILAN)