NASA 923 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang bumoto bilang pakikilahok sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) Kahapon.
Binigyan ng pahintulot na bumoto ang mga PDLs na wala pang isang taon simula ng sila ay makulong mga nakarehistro at botante ng Barangay Poblacion ng Muntinlupa City.
Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang mga botanteng PDLs ay nagmula sa maximum security compound, medium security compound, at minimum security compound sa NBP.
Napag-alaman pa na ang Davao Prison and Penal Farm (DPPF) sa Davao del Norte ang mayroong pinakamaraming kuwalipikadong botanteng PDLs na umabot sa 983.
Bukod rito nasa 333 PDL voters naman ang nagmula sa Leyte Regional Prison (LRP) sa Abuyog, Leyte.
Nasa 47 na botanteng PDLs ang nasa talaan ng Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Inaasahan ang paglahok sa BSKE ng kabuuang 2,293 na kuwalapikadong PDLs mula sa iba’t ibang pasilidad na kulungan na nasa ilalim ng BuCor.
Isang oras na delayed ang pagboto ng PDLs na dapat sana ay sinimulan ng alas 6:00 pero nagsimula ito ng 7:00 ng umaga.
Pinaliwanag naman ni Special Election Board – PDL Carolyn Capilla hinintay muna nilang matapos ang botohan ng PWDs at mga senior citizens ng alas 5:00 ng umaga sa mother precinct kaya na delayed ang pagboto ng mga PDLs.
Dumating naman ng alas 11:00 ng umaga si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia sa botohan sa NBP para sa BSKE upang tignan kung maayos na nasusunod ang mga panuntunan sa pagboto ng mga PDLs. (GINA GARCIA)