ARESTADO ang labingtatlong indibiduwal sa paglabag sa pinairal na Omnibus Election Code o Liquor Ban kaugnay sa pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 sa Brgy. San Manuel, San Jose del Monte at Brgy. Tiaong, Guiguinto, Bulacan kamakalawa.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo provincial director ng Bulacan PPO ang mga tauhan ng SJDM City Police Station ay nakatanggap ng tawag sa telepono mula sa concerned citizen na may nagaganap na inuman ng alak sa bahagi ng Savano Park, SJDM City, Bulacan.
Pagdating sa lugar, naaktuhan ng mga operatiba ang grupo na nag-iinuman na nagresulta sa pagkaaresto ng walong indibiduwal.
Gayundin, ang mga tauhan ng Guiguinto Municipal Police Station {MPS}, habang nagsasagawa ng mobile patrol sa Brgy. Tiaong, Guiguinto, Bulacan, ay naispatan ang dalawang kalalakihan na tumatagay ng alak sa harap ng isang tindahan.
Kaagad inaresto ang dalawang nagtatagayan ng alak kabilang ang may-ari ng tindahan, habang sa hindi kalayuan sa lugar ay naispatan pa ang dalawang nag-iinuman sa bahagi ng kalye na inaresto rin.
Ang mga arestadong suspek ay sasampahan ng karampatang kaso na ihahain sa Office of the City Prosecutor. (MICKA BAUTISTA)