ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
PATULOY sa pagiging aktibo sa kanyang acting career ang dating Viva Hotbabe na si Maricar dela Fuente.
After siyang mapanood sa pelikulang Ship Show na pinagbidahan nina Heaven Peralejo at Marco Gallo, next na mapapanood si Maricar sa Road Trip na tinatampukan nina Carmina Villaroel, Gelli de Belen, Candy Pangilinan, at Janice de Belen.
Inusisa namin ang aktres hinggil sa bago niyang proyekto na mula sa Viva Films.
Pahayag ni Maricar, “Bale Road Trip po ‘yung movie under Viva Films at isang comedy movie po siya. Si direk Andoy Ranay po ang director namin at ang main cast po rito ay sina Carmina Villaroel, Gelli de Belen, Candy Panglinan, at Janice de Belen.”
Pagpapatuloy niya, “Ang role ko rito, kasi sa story po ng pelikula, bale buntis po ang role ko rito, na asawa ko po si direk Paolo Ohara, na asawa rin pala ng isa sa bida rito.”
Ano ang reaction niya na nagiging busy na siya ulit sa movies and hindi na pa-sexy ang roles na natotoka sa kanya?
Esplika niya, “Masaya po at nasasanay na ulit sa camera, iyon lang, medyo hindi sanay pa sa puyatan, kasi naging morning person na po ako.”
Tiniyak din niyang tapos na siya sa pagsabak sa sexy role.
Sambit ni Maricar, “Hindi na po ako tumatanggap ng sexy roles dahil napagdaanan ko na po iyan at nasa Catholic school ang kids ko. Plus, ayaw ko rin na may masabi pa sa kanila, kung gagawin ko pa iyon at ayaw ko na rin talaga.”
Kahit maganda at mahalaga ‘yung role, basta may sexy hindi niya tatanggapin?
“Yes po tito, kahit maganda at mahalaga po ‘yung role, hindi na po talaga. Tapos na po ako sa ganyan, napagdaanan ko na po iyang ganyan at hindi ko na talaga kaya,” pakli pa ni Maricar.
Bukod sa pagiging aktres, si Maricar ay isang talent manager din. Kabilang sa mga talents niya ang humahataw ang showbiz career sa Vivamax na si Angelica Hart, ang bagets na si Jhana Villarin, at isa pang pa-sexy na newcomer na si Angeline Aril.
Iyong pagiging talent manager niya, kumusta? Hindi ba mahirap na may inaasikaso siyang dalawang anak, tapos may career din siya as an actress, tapos talent manager pa siya, at mayroon pang food business?
Tugon niya, “Hindi naman po mahirap talaga, kasi iyong pagiging actress po ay pasulpot-sulpot lang ang project. Same rin sa pagiging talent manager ko, hindi po ako kumukuha ng iha-handle na maraming artista, para may pahinga po ako.”
Dagdag niya, “Mahirap na masaya ang maging isang talent manager. Mahirap, kasi may mga umalis at inalis na po.”
Pagpapatuloy ni Maricar, “Sa two kids ko naman, d’yan ako hindi nahihirapan dahil mababait at matatalinong bata ang mga anak ko. Hindi sila mahirap alagaan lalo ‘yung eldest ko na napaka-very responsible na kuya. When it comes to his assignments, siya na lahat… pati mga needs niya, siya na ang nag-aasikaso even sa mga gamit niya ay maayos siya.
“Si bunso, siya pa ‘yung guide ko sa mga kailangan sa schools.”
“Mayroon po akong food delivery business, which may tao naman po ako at home based po siya. So, wala po akong problema roon. Maayos ang mga staff at mababait po sila,” pahabol na sambit ni Maricar.