Bilang isa sa mga tampok sa pagdiriwang ngayong taon ng Cooperative at Enterprise Month, may P261,930 ang kabuuang kinita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office matapos isagawa ang Cooperative and Enterprise Month Trade Fair kung saan kabilang din ang DTI Diskwento Caravan at KADIWA ng Pangulo na ginanap sa harap ng Gusali ng PCEDO, Bakuran ng Kapitolyo sa Lungsod ng Malolos, Bulacan nitong Oktubre 16-18, 2023.
Sa tatlong araw na trade fair, 50 exhibitors na ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs), kooperatiba, fresh producers at traders at retailers ng consumer products ang nag-alok ng kanilang mga abot-kaya at dekalidad na mga produkto.
Sinabi ni Carmeline Buzon, may-ari ng Tak-da Clothing (Tatak at kinabibilangan Burda) mula sa Bayan ng Guiguinto, kung saan matatagpuan ang mga produkto sa Pasalubong Center kabilang ang mga Baybayin shirts, bucket hats, mga pulseras at kwintas, na nabigyan sila ng oportunidad na higit pang maibenta ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng mga trade fair na isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
“Maraming salamat sa pagbibigay ng oportunidad sa aming mga maliliit na negosyo – na mabigyan kami ng pagkakataon na maipakita at makapagbenta ng produkto namin at makilala na rin ng mga taga Bulacan ‘yung mga ganitong products dito sa ating lalawigan,” ani Buzon.
Ipinagmamalaki naman ni Bise Gobernador Alexis C. Castro ang mga produktong Bulakenyo at sinabi na ang Pamahalaang Panlalawigan ay palaging nakasuporta sa mga Bulakenyong negosyante lalo na sa mga maliliit na negosyante upang matulungan sila na i-promote ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado.
“Humahanga ako sa tibay nating lahat dahil kahit maraming pagsubok lalong lalo na noong pandemya—pero ‘yung mga negosyo ninyo ay nandito pa rin at nakatayo pa din. We’re very lucky dahil meron kaming mga katulad ninyo na maipagmamalaki namin sa buong Pilipinas — ang gawang Bulakenyo,” anang bise gobernador.{Micka Bautista}