INARESTO ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang negosyante dahil sa pagsisinungaling makaraang palabasin na pinasok ng akyat bahay gang ang kanyang establisimiyento at tangayan ng milyon-milyong halaga ng alahas at iba pa, nitong Sabado, Oktubre 7, 2023.
Sa ulat ni PMAJ Don Don Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) nadakip ay nakilalang si Bernard Chua, 40, at residente ng No. 130, Road 20, Brgy. Bahay Toro, Quezon City. Siya ay kinasuhan ng Perjury.
Nauna rito, ayon kay Project 6 Police Station (PS 15) chief, PLTCOL Richard Mepania, ipinaalam ni Chua sa PS 15 na dakong 4:00 ng umaga, Oktubre 7, 2023, na pinasok ng akyat bahay gang na binubuo ng anim na lalaki na armado ng mga mahahabang baril anghg kanyang BC Cars Trading and Auto Services na matatagpuan sa 130, Reyes St., Road 20, Brgy. Toro, Project 8, Quezon City.
Pinalabas ni Chua na sapilitan pinasok ng mga suspek ang kanyang opisina at tinangay ang mga sumusunod; P22.5M cash; five (5) pirasong relo na nagkakahalaga ng P12.8M; diamonds na halagang P10M; isang unit Glock 19 9MM pistol ana nagkakahalaga ng P50,000.00; isang unit Glock 17 9MM Pistol na may halagang P50,000.00; isang unit Rock Island revolver (P20,000.00); isang Bushmaster Rifle cal. 5.56 (P125,000.00); isang Glock 43 9MM pistol (P50,000.00); at isang Sig Saucer P238 cal. 380 pistol (P48,000.00) kung saan umaabot ang lahat sa halagang P68,143,000.00.
Makaraan, sinasabing tumakas ang mga suspek sa hindi mabatid na direksyon kung saan sakay ang mga suspoek na Silver Lexus SUV, white Toyota Innova, Black Toyota Innova; green Yamaha Aerox, at black Honda Click motorcycle.
Agad naman inatasan ni QCPD Director, PBrig. Gen. Redrico Maranan ang CIDU na magsagawa ng masusing imbestigasyon.
Dakong 5:30 ng umaga ng sabado din, agad na kumilos ang CIDU sa pangunguna ni Llapitan sa pinangyarihan. Sa pag-imbestiga, lumalabas na walang nangyaring pagpasok at pagnanakaw ng mga armadong lalaki at sa footage ng CCTV ng establisimiyento ay wala rin kuha hinggil sa insidente.
Ayon sa mga saksing empleyado ni Chua, anila’y pinilit sila ng kanilang amo na magsinungaling at palabasin na totoong may nangyaring panglolooban sa shop.
Dahil sa mga nakalap na ebidensiya hinggil sa pagsisinungaling ni Chua, dakong 2:30 ng hapon ay dinakip na ng CIDU si Chua na nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Article 183 of the Revised Penal Code (RPC) or Perjury sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Magsilbi sana itong babala sa ating mga kababayan, na ang pagsisinungaling lalo na ang pagrereport ng isang krimen na hindi naman nangyari o gawa gawa lamang ay labag sa batas at may parusang pagkakakulong,” (ALMAR DANGUILAN)