IPINATAWAG ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang dating empleyado na inakusahan ng pambu-bully sa isang delivery rider dahil sa hindi pagkakaunawaan sa trapiko sa San Jose del Monte, Bulacan.
Nabidyuhan ang insidente at naging viral matapos itong i-post sa social media.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ipinapatawag na niya si Gregorio Glean para humarap ito sa Central Office ngayong linggo bilang bahagi ng imbestigasyon sa insidente.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na si Glean ay dating job order sa Driver’s Licensing and Renewal Office ng San Jose del Monte, Bulacan.
Inatasan ni Mendoza si retired police general at LTO Region 3 director Ronnie Montejo na tiyaking hindi na nito tatanggapin pa si Glean matapos na malamang umaapela pa ito para makabalik sa dati niyang trabaho.
Sa viral video, nakita si Glean na armado ng baril ay kinuha ang telepono ng rider at inihagis sa lupa saka umalis sakay ng kotse.
Dahil sa takot ng rider, napaupo na lamang ito sa gilid ng kalsada habang umiiyak saka nagpasyang humingi ng tulong sa mga pulis.
Tiniyak naman ni Mendoza na susundin ang due process sa pagsasagawa ng legal proceedings kaugnay ng driver’s license ni Glean at ang motor vehicle registration ng sasakyang sangkot sa insidente.
Dagdag ng LTO chief, iimbitahan din nila ang delivery rider bilang saksi sa imbestigasyon ng insidente. (ALMAR DANGUILAN)