KILALA bilang “Cooperative Capital” ng Pilipinas, naglunsad muli ang Bulacan ng isang mahalagang programang tinawag na GOKOOP na tutulong na mas higit na palakasin ang sektor ng kooperatiba.
Layon ng GOKOOP na paigtingin ang promosyon ng kooperatiba; palakasin ang mga micro at small cooperative; dagdagan ang access sa pananalapi at iba pang pagkukunan; padaliin ang pakikipagsosyo at kolaborasyon; mapahusay ang polisiya at regulasyon; at pabutihin ang Gawad Galing Kooperatiba.
Sa pangunguna ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office, ang paglulunsad ng GOKOOP sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kamakailan ay hudyat ng selebrasyon ng Cooperative and Enterprise Month ngayong Oktubre na dinaluhan ng higit 2,500 na kaanib sa pagbuo at pagpapaunlad ng bansa kabilang ang mga opisyal at miyembro ng iba’t ibang koop sa lalawigan, mga City/Municipal Cooperative Development Officer at konseho at iba pa.
Sa mensahe ni dating gobernador Roberto M. Pagdanganan, kasalukuyang tagapayo ng E-HealthCore International, Inc., hinikayat niya ang pagtangkilik sa mga lokal na negosyo at mga kooperatiba na buhay at pundasyon ng ekonomiya at pinuri rin ang probinsiya dahil sa mga napagtagumpayan nito sa aspeto nang pagpapalago at pagpapaunlad sa mga kooperatiba.
Samantala, sinabi ni Bise Gob. Alexis C. Castro na bukod sa gobyerno, ang mga kooperatiba ay mga haligi ng mamamayang nangangailangan ng suportang pinansyal.
“Ang mga kooperatiba po ang nagiging sandigan ng ating mga kababayan na nangangailangan. Bukod sa pamahalaan, mayroon silang kooperatiba na matatabukhan tulad ninyo,” ani Castro.
Kinilala din niya ang mga naging kontribusyon ni Pagdanganan at iba pang naging opisyal ng pamahalaan sa pagtataguyod sa mga kooperatiba.
“Nagkukwentuhan nga kami ni Gob. Obet, sabi niya 1989 pa lang ay aktibung-aktibo na, mas nauna pa nga ‘yan sa nasyonal na kaya ho mapalad ang Bulacan at nakikita natin ngayon ang fruit na itinanim ni Gob. Obet noong araw, itinanim ng mga nakaraang lider sa kooperatiba na mga nauna sa atin. Ngayon naha-harvest natin, maraming nagtatayo ng grupo pero paglipas ng ilang taon ay nawawala pero dito sa Bulacan, ‘di tayo kaunti, padami tayo nang padami, padami nang padami ang kooperatiba, padami nang padami ang sumasapi dahil ang ating pundasyon ay napakatibay,” dagdag ng bise gobernador.
Gayundin, bahagi ng programa ang audio-visual presentation ng Initiatives and Credit Surety of the CDA, paglagda sa kasunduan ng higit 40 Cooperative Multi-Stakeholders at Enablers, at pagkakaloob ng mga proyekto mula sa iba’t ibang katuwang sa pagsusulong ng kaunlaran.
Kabilang sa ilang panauhing dumalo sa programa sina Bokal Allen Dale DC. Baluyut, tagapangulo ng Komite sa Kooperatiba, Assistant Secretary Virgilio Lazaga ng CDA, Provincial Cooperative Development Council sa pangunguna ni Leilani Babista, aktres na si Nadia Montenegro na kumatawan kay Senador Robinhood Padilla, coop development partners, stakeholders at enablers mula sa mga pamahalaang lokal at nasyunal, non-government organizations at mga sektor ng kooperatiba.
Ang iba pang nakalinyang gawain para sa selebrasyon ng Buwan ng Kooperatiba ay Credit Surety Fund Roadshow sa pangunguna ng CDA, Regional Kooplympics ng Central Luzon RCDC at Gawad Galing Kooperatiba 2023 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Bago ang paglulunsad ng GOKOOP, isinagawa ang coop parade mula sa Malolos Convention Center hanggang Bulacan Capitol Gymnasium. (MICKA BAUTISTA)