NASAKOTE ang dalawang dayuhan dahil sa pagdadala ng baril habang nasa isang lokal na karinderya sa bayan ng San Rafael, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 30 Setyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Cao Jie, 35 anyos; at Jia Zi Cong, 27 anyos, kapwa Chinese nationals at mga empleyado ng Momarco Vegetable Plantation, sa Brgy. Caingin, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, may concerned citizen ang nagreport na kanilang napansin ang dalawang dayuhan na armado ng baril habang kumakain sa isang karinderya sa naturang barangay.
Matapos matanggap ang impormasyon, agad ipinadala ang mga patrol officers ng San Rafael MPS sa lugar upang mag-imbestiga.
Nang dumating sa itinurong kainan, natukoy ng mga pulis ang mga suspek batay sa paglalarawan ng concerned citizen na tumutugma sa kanila.
Gayon pa man, nang mapansin ng mga suspek ang mga paparating na mga alagad ng batas, tinangka nilang umalis sa lugar habang nag-uusap sa kanilang wika.
Upang mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko, nagsagawa ang mga nagrespondeng pulis ng masusing pagsisiyasat sa mga suspek.
Nakompiska mula kay Cao Jie ang isang Colt Caliber .45 pistol, may Serial No. 793616, at ang magasin na kargado ng anim na bala ng caliber .45.
Nasamsam kay Jia Zi Cong ang isang ARMSCOR cal. 9mm pistol, may Serial No. 1360158, at magasin na kargado ng siyam na bala ng 9mm. Kasalukuyang nasa kustodiya ang mga arestadong suspek ng San Rafael MPS, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Omnibus Election Code at RA 10591 na isasampa laban sa kanila sa korte. (MICKA BAUTISTA)