ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IBANG klaseng kurot sa puso ang naramdaman nang mga nakapanood ng teaser ng pelikulang In His Mother’s Eyes. Marami rin ang napaiyak after itong mapanood.
Teaser pa lang iyon, ilang minuto lang iyon, paano pa kaya kung buong pelikula na? Tiyak na babaha ng luha sa mga sinehan.
Actually, sa napanood naming teaser kasama ng mga kapatid sa media, marami talaga ang pinayak nito.
Tampok sa pelikula sina Maricel Soriano, Roderick Paulate, at LA Santos na gumaganap bilang anak ni Maricel.
Walang kupas at grabe sa husay sina Maricel and Roderick at tiyak na ang kanilang fans ay muling magpaparamdam kapag ipinalabas na sa mga sinehan ang pelikulang In His Mother’s Eyes.
Kilala sina Roderick at Maricel bilang mga veteran at award winning sa larangan ng pag-arte, kaya expected na namin ang kanilang husay. Pero ang big revelation at nagulat kami ay kay LA, na nakipagsabayan ng acting dito kina Dick at Marya.
Kabilang kami sa mapalad na taga-media na masasabing nasubaybayan ang pagsisimula at paglago ng showbiz career ni LA. Mula sa pagiging mahusay na singer, hanggang sumubok sa pag-arte sa pelikula at telebisyon, nakita namin ang tinahak niyang landas at natutuwa kami sa transformation niya mula sa pagiging singer papunta sa ganap na aktor sa pelikulang ito.
Sa totoo lang, excited na kaming mapanood ang pelikulang In His Mother’s Eyes, bato lang ang puso ng hindi maiiyak sa pelikulang ito, may kakaibang mararamdaman ang mga manonood, lalo na ang mga magulang.
Ang pelikula ay intended sa 2023 MMFF at sana ay makapasok ito sa annual December filmfest. Bukod sa ang ganda ng story nito ukol sa mother and son at LGBTQ, tinalakay din ang hinggil sa special child sa pelikula.
Ang husay ng pagkakasulat ng story ng award-winning screenwriter na si Gina Marisa Tagasa and Jerry Gracio, at napakahusay ng direksiyon ni FM Reyes na first time nagdirek ng pelikula, although kilala na siya sa larangan ng telebisyon.
Bukod kina Maricel, LA at Roderick, kasama rin sa pelikula sina Ogie Diaz, Vivoree Esclito, Elyson De Dios, Reign Parani, at Maila Gumila.
Ang In His Mother’s Eyes ay hatid ng 7K Entertainment na ang executive producer ay si Mommy Flor Santos, na present sa teaser presentation sa press ng nasabing pelikula.
Pahayag ni Mommy Flor, “Alam ko kilala ninyo si LA bata pa lang siya at kayo iyong nagbu-boost sa kanya dahil dati parang napilitan lang siya, sabi ninyo may potential at alam ko inilalaban ninyo siya, hindi ba? Grabeng hirap ang pinagdaanan namin ni LA, alam n’yo iyan, hindi ba?
“Grabe ang workshop niya, ang dami niyang workshops. At saka kapag gusto talaga niya, gagawin niya lahat kapag aktor siya.”
Aminado ang mom ni LA na talagang dadaanin nila sa dasal para makapasok sa MMFF 2023 ang pelikula.
“Kaya talagang dadaanin natin ito sa dasal,” wika niya habang napapaiyak.
Nabanggit din niya kung paano napapayag si Maricel sa pelikula dahil busy ang schedules ng aktres.
Aniya, “Naikuwento ko kasi kay Maricel ang hardships ko simula nang ipanganak ko si LA kaya sabi niya, ‘Mommy gagawa ako ng paraan, gusto kong gawin ito at iyon nga, nabuo na sila (production team), lahat ang gumawa ng paraan para mabuo ang (artista) dahil wala naman akong alam dito.”
May kakaibang closeness din daw between Maricel at LA, “Feeling ko nga mas magnanay pa ‘yung dalawa. Naikukuwento lahat ni LA kay Maricel at naiintindihan niya ang tantrums ni LA.”
Labis din ang pasasalamat ni Mommy Flor sa lahat ng sumuporta kay LA habang ginagawa ang pelikulang ito.
“Grabe rin ang suporta nilang mga artista kay LA at hindi magagawa ni LA ang lahat ng ito kung hindi dahil sa suporta nila, lalo na si Direk FM Reyes.
“Grabe kung paano nila i-coach si LA, kung paano nila i-guide, minsan nga nahihiya ako kasi paulit-ulit at naiintindihan naman nila kasi bago si LA, pero walang maririnig sa kanila (veteran actors),” sambit pa niya.